Tuesday, February 1, 2011

Maging Asin at Ilaw!

“Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao? “Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago.  Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 3:13-16)



Sinabi ni Hesus, kayo ang asin... kayo ang ilaw. Hindi niya sinabing ikaw ang asin... ikaw ang ilaw. Ano kaya ang silbi ng isang butil ng asin sa isang kaserolang sabaw? O ano kaya ang silbi ng isang kandilang maliit sa loob ng napakalaking kuweba?
Tayo ay tinatawag sa isang sambayanang Kristiyano-- ang Simbahan. Sama-sama tayong magbibigay lasa sa sambayanan at magbigay liwanag sa mundo. Pagkat ang tunay na pagbabago ay nakukuha lamang sa pagkakaisa.
Si Kristo ang nagbibigay alat sa asin at nagbibigay liwanag. Kung wala siya, walang silbi ang ating paglilingkod. Siya ang nagbibigay kaliwanagan sa ating isip, lakas sa ating dibdib at pagmamahal sa ating puso sapagkat siya ang unang naparito at nagturo, nagpalakas ng loob sa mga mahihina at nagpakita ng tunay ng pagmamahal. Ang isang binyagang hindi namumuhay ayon sa kanyang grasya ay inihahalintulad niya sa Ebanghelyo bilang isang asin na tinatapon na lamang dahil walang alat at ilawan na itinatago at di nakapagbibigay liwanag. Sa isang ebanghelyo naman, siya ay inihahalintulad sa isang sangang humiwalay sa puno ng ubas at natuyo kung kaya pinuputol na lamang at ginagawang panggatong. (cf. Juan 15:5)
Paano pala nawawala ang alat ng asin? Subukan mong maglagay ng asin sa isang malinis na garapon. Itago mo ito at pagkatapos ng isang taon ay subukan mong lasahan. May alat pa iyan. Hindi kailanman nawawala ang alat ng asin maliban na lamang kung mahaluan ng ibang elemento o dumi. Gayundin ang ilaw. Ayon sa mga siyentipiko, naglalakbay ang ilaw ng 299,792,458 m/s. Kung kaya, kahit saan ay maaring makarating ang liwanag. Tumitigil lamang ito sa isang opaque object o isang bagay na humaharang sa liwanag. Kung kaya't kahit sa malayo ay maari mong makita ang alitaptap, maliban na lamang kung may humarang sa iyong paningin.

Maganda ang paghahalintulad ni Hesus. Mawawala siya sa ating buhay kung sa patuloy nating paglaki bilang mga kabataan ay nadudumihan tayo ng mga maling kaisipan at impluwensiya ng mundo. Mawawala siya kung ang ating yaman, talino, kahit na ang ating mga itinuturing mahalaga sa buhay ay itinuturing nating mas mahalaga sa kanya. Humaharang sila kanyang pagbibigay liwanag sa atin.

Paano maiaalis ang masasamang elemento na siyang dumudumi sa atin? Paano natin maiiwasan ang mga bagay na makakaharang sa kanyang liwanag? Habang tayo ay nasa mundo, napakahirap. Subalit, si Hesus ay nasa kapwa nating mga asin at ilaw. Mapapaalat lang ang isang wala nang alat na butil ng asin sa pagsama niya sa iba pang butil na may alat. Maiilawan lamang ang isang kandila sa pamamagitan ng isang kandilang may liwanag. Tinatawagan tayo ni Hesus pagkatapos na matamo natin ang alat at liwanag, na ibahagi natin ito sa ating kapwang nanghihina, nanlalamig sa pananampalataya at tila ba nawawalan ng kahulugan ang buhay. 

Ang isang supot ng asin ay nagsisimula sa pagtitipon ng maraming butil ng asin. Ang isang maliwanag na daan ay nagsisimula sa isang sinindihang ilaw. Ang lahat ng ito ay nagsisimula kung sa ating personal na buhay, kung patuloy tayong mamumuhay ayon sa buhay at turo ni Hesus--- ang alat ng asin at liwanag ng sanlibutan.

Mapapansin natin sa ating mundo na maraming mga butil ng asin ang walang alat at maraming ilawan ang walang ilaw. Hihintayin pa ba nating magkaalat sila o magkailaw upang magsimula ang pagbabago?

Naniniwala ako na sa binyag ay nagkaroon tayo ng ganitong pangako: Patuloy kong paaalatin ang asin sa aking buhay. Patuloy kong  paalabin ang liwanag ni Hesus sa aking puso. Wala nang ibang magsisimula ng pagbabago sa mundo kundi AKO MISMO! 



5 comments:

  1. my first tagalog post... di ko napaikli. ang raming pumasok sa isip ko na kailanagan kong ishare... salamat po!

    ReplyDelete
  2. Salamat Kuya JAy.

    Si Hesus ang alat at ilaw ng sanlibutan.
    Nawa'y bilang isang Katoliko ay magampanan naten ang ating tungkulin.Hindi lamang upang matawag kang Katoliko.

    Halimbawa...bilang youth, huwag naten hayaan na maimpluwensyahan tayo ng iba lalo na ng masasama.
    Hindi ibig sabihin na habang bata ay gawin mo na ang lahat ng gusto kahit masama pa.Pano naten maihahanda ang ating sarili sa pagdating NIYA? kung matanda ka na.

    Naniniwala ako na ang bawat isa may liwanag sa kaniya-kaniyang sarili..munti man ito o malaki..Gamitin naten ng naayon nang sa gayon ay makapagbigay tayo ng liwanag sa iba.

    ReplyDelete
  3. Naalala ko lang na noong araw na tanggapin ko ang sakramento ng kumpil. Ito yung araw na binigyan ako ng simbahan ng malaking tungkulin, ang maging sundalo ng pananampalataya ng simbahang katoliko at maging asin at ilaw sa mga kapatid na naliligaw. Sa parehong paraan, nakumpilan man o hindi, tayong kabataan ay binigyan ng karapatan o pribilehiyo na makapag lingkod at ibahagi ang mabuting balita sa ating kapwa kabataan.

    Tandaan natin na hindi lahat ng kabataan ay nabibigyan ng gantong pagkakataon, binigay sa atin ito ng diyos bilang tanda ng kanyang tiwala sa atin. Bilang ganti, dapat lang na pangalagaan natin ang tungkulin na ibinigay sa atin ng panginoon.

    Ipagpatuloy nawa natin ang pagiging "sundalo" ng mga mananampalataya ng simbahan. At pangalagaan ang tungkuling ibinigay ng panginoon.

    ReplyDelete