Thursday, July 21, 2011

Ang Manghahasik, ang mga Binhi at ang mga Lupa

Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa.  Dahil sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao  at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinhaga. Ganito ang sinabi niya:      "May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon.  May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi,  ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat.  May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang ito at sinakal ang mga binhing tumubo doon.  Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!"(Mateo 13:1-9)


Dito sa Katedral ni San Gregorio Magno sa Diyosesis ng Legazpi ang imahe ng Manghahasik ang siyang dekorasyon sa ambo (ang platform kung saan binabasa ang mga pagbasa sa misa).  Ito ay upang paalalahanan ang mga tao ng mahahalagang elemento ng Salita ng Diyos ayon sa matututunan natin sa Ebanghelyong ito.

Una, ang Manghahasik ay di nagsasawang maghasik ng binhi.  Walang pinipili ang Diyos sa kanyang paghahasik ng kanyang mga salita.  Kahit alam niyang hindi lahat tutubo, patuloy siya at walang kapaguran sa paghahasik.  Makikita natin dito na ang Diyos ay punong-puno ng pag-asa sa atin upang papagyabungin ang kanyang mga naipunla.  Kahit tayo ay makasalanan hindi siya nagsasawang magtanim ng magagandang butil sa atin.  Naniniwala siya na kahit gaano man kasama ang tao, may magagandang bagay na naipunla siya dito na kailangan lang niyang alagaan at pagyabungin.

Minsan sa ating ministries ay nagsasawa na tayo sa paglilingkod.  Para bang hasik din tayo ng hasik subalit hindi nagbubunga.  Bakit hindi natin tularan ang Diyos na walang pinipiling tao at oras.  Nagbabakasakali siya na may makikinig sa kanya at magbagong buhay.  As long as we strive for our best, whatever we do will be for the best.  Hindi nasasayang ang ating effortsKung mas marami ang ating inihasik, mas marami pa rin tayong aanihin sabihin man nating hindi lahat magbubunga. 

Pangalawa, ang Salita ng Diyos ay mabisa, walang masamang binhi subalit nakadepende na lang ang epekto nito sa ating disposisyon.  Naroon ang binhi, sunalit kung tayo naman ay di nagiging responsive, di natin ito inaalagaan, nagiging useless ang mga binhing ito.  Ang apat na uri ng lupa ay apat na reaksyon ng tao sa mga salita ni Hesus.  Mabuting isa-isahin natin ang mga ito.

Ang lupa sa daanan ay mga taong tumatanggap ng salita ng Diyos subalit hindi ganoon kalalim kung kaya't madali silang madala ng kaaway.  Panaka-naka lamang kung lumapit sa DiyosNagsisimba lang kung  may okasyon o kung niyaya lamang.  Naglilingkod sa Simbahan tuwing napupuri lamang o kung may mahahalagang pagdiriwang.  Nagbabasa lamng ng Bibliya kung naisipan.  Nagrorosaryo lamang kung Rosary Month, nagiging aktibo lamang sa Youth Apostolate kung Year of the Youth.  Kung kaya't kapag naroon ang kaaway ay madaling umalis.  Madaling masira ng kaaway ang anumang salita na naipunla sa kanila.

Ang batuhan ay ang mga taong tumatanggap ng salita ng Diyos subalit nasa emosyonal na aspeto lamang.  Naiiyak kung recollection o retreats, damang-dama ang presensiya ng Diyos sa mga religious activities, kayang magsakripisyo tuwing Semana Santa, laging nagsisimba at nananalangin subalit hindi nakikita sa sarili nila ang salita ng Diyos.  Mga taong malugod na tumatanggap sa salita ng Diyos subalit kapag nawala na ang emosyon ay di tumatagos sa puso ang salita, di nakikita sa kanilang buhay.

Ang lupang matinik at madamo ay ang mga taong tumatanggap ng salita ng Diyos subalit nabubuhay pa rin sa pita ng laman at sa gawaing makasanlibutan.  Mga taong nagsisimba, nananalangin, umaattend ng mga seminars, naglilingkod sa Simbahan subalit di inaalis ang mga makasariling pagnanasa sa kayamanan, mga taong di mabunot ang kahalayan, mga taong nagiging kompetensya ng salita ng Diyos ang mga bisyo at mga paboritong kasalanan.  Kung kaya't kahit gaano karami ng binhi ng salita ng Diyos ang ihasik sa kanila ay walang epekto.  Maaaring may bunga ng konti subalit naroon pa rin ang mga malalagong tinik at damo.

Ang lupang mabuti at mataba ay mga taong tumatanggap ng salita ng Diyos at tumutupad nito.  Palaging tumatanggap sa knyang salita, naroroon ang kanilang puso dito at tumutupad nito, tinatalikdan ang kanilang mga bisyo, kasalanan at mga gawaing makasanlibutan kung kaya't lumalago ito sa kanilang buhay.

Pangatlo, sinabi ni Hesus na ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Kung sa realidad ay imposible ito.  Imposibleng mamunga ng ganun ang maliit na parte ng lupa.  Ang aning ganoon ay para sa isang hacienda.  Subalit, ang ibig sabihin ni Hesus ay walang impsosible sa Diyos.  Ang di natin kayang gawin ay kayang palaguin ng Diyos.  Kaya niyang gumawa ng himala sa kabila ng ating mga limitasyon. Huwag lamang sana tayong magsawang maging mga mabubuting lupa sa kabila ng ating mga limitasyon at kahinaan.

No comments:

Post a Comment