Friday, February 18, 2011

Ang Dalawang Mukha ng Pagpapatawad

Sinabi ni Hesus sa mga tao: "Narinig ninyong sinabi: Ibigin mo ang iyong kapwa at kapootan mo ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway. Pagpalain ninyo ang mga napopoot sa inyo. Gawan ninyo ng mabuti ang mga nagagalit sa inyo. Ipanalangin ninyo ang mga umaalipusta sa inyo at ang mga umuusig sa inyo. Ito ay upang kayo ay magiging mga anak ng inyong Ama na nasa langit sapagkat pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga masama at sa mga mabuti. At binibigyan niya ng ulan ang mga matuwid at ang mga hindi matuwid. Ito ay sapagkat kung ang iibigin lamang ninyo ay ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamit? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? Kapag ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong babatiin, ano ang kahigitan ninyo sa iba? Hindi ba ganyan din ang ginagawa ng mga maniningil ng buwis? Kaya nga, kayo ay magpakasakdal tulad ng inyong Ama na nasa langit ay sakdal." (Mateo 5:43-48)


Sa Ebanghelyo, pinapakita ni Hesus ang dalawang mukha ng pagpatawad: ang mukha ng katarungan at ang mukha ng pag-ibig. Ang dalawang ito ay di dapat paghiwalayin sapagkat, walang pagpatawad kung puro katarungan lang ang ating minimithi. Ito ay nauuwi sa poot at paghihiganti. Hindi rin maaari na puro pag-ibig lang na walang katarungan, sapagkat ito ay nauuwi sa pagkunsinti sa mga maling gawa.

Ano ang justice o katarungan? Ito ay ang pagbibigay ng nararapat sa isang tao. Kailangan nating tingnan kung ano nga ba talaga ang kailangan niya. Kung siya ay nagkamali dahil sa kakulangan niya sa kaalaman o pagkalimot sa dapat niyang gawin, ano ang  nararapat ibigay sa kanya? Pang-iinsulto ba o paalala? Sa taong galit sa mundo dahil sa kawalan ng pagmamahal? Pagkamuhi ba o pagkikipagkaibigan? Kailangan nating alamin kung ano talaga ang dapat nating ibigay. Sabi ni Plato, isa sa mga dakilang Griyegong pilosopo, ang katarungan ay may tatlong bahagi: karunungan o wisdom, katapangan o courage at pagwawasto o moderation.  Kailangang mag-isip kung ano ang dapat gawin, kailangang maging matapang sa pag-execute o paggawa kung ano ang naiisip nating tama at kailangan din ang pag-let go ng mga bagay na di nakakatulong sa sitwasyon kagaya ng emosyon.

Sa Ebanghelyo, bakit nasabi ni Hesus na ibigay mo ang kanang pisngi kapag sinampal ka sa kaliwa? Ito ay upang matanto ng nanampal saiyo na nagkamali siya. Dahil noong panahong iyon, sa kultura ng mga Hudyo.  ang dalawang kamay ay may mga gawaing nakaatas sa kanila. Di maaaring manampal ang kaliwang kamay. Ito ay maituturing kalupitan sa kapwa. Kapag ibinigay mo ang iyong kaliwang pisngi, siyempre ipananampal niya ang kaliwang kamay din at maaalala ng nanampal saiyo na mali siya. Samakatwid, sinasabi ni Hesus na huwag gumanti subalit kailangang nandun ang tunay na katarungan para sa nagkamali--- ipaalala mo na mali ang kanyang ginawa at itama mo ito. 

Ang ikalawa ay ang pag-ibig. Siguro, sa lahat ng mga salita ni Hesus, ang ebanghelyo sa linggong ito ang pinakakinaayawan. Ito ang mukha ng pagpapatawad na ayaw nating harapin kung minsan. Natural na kasi sa tao ang magalit at magkaroon ng hangaring gumanti. Natural na sa tao ang hindi magmahal sa nagkasala sa kanya. Natural ang magalit, kahit si Hesus mismo ay nagalit sa  maraming pagkakataon. Hindi nagkasala si Hesus dahil kailanaman ay di siya napoot. At kung sa mga pagkakataon naman na nagalit siya--- iyon ay ang mga pagkakataong ang tunay na kalooban ng kanyang Ama ay hindi pinahahalagahan at tinatalikuran. 

Kailanman ay hindi sinasabi ni Hesus na "bawal magalit". Sapagkat may mga galit na healthy o kinakailangan. Halimbawa, dapat lang na magalit ang ating mga magulang kung tayo ay nalululong sa masasamang barkada at bisyo. Kung kinakailangan, dapat bawasan ang ating allowance o pagsabihan ng masasakit upang matuto. Isa pang halimbawa sa ating pakikitungo sa kaibigan. Dapat tayong magalit kung ang ating kaibigan ay lumalayo na sa gawang mabuti at di pinakikinggan ang mabubuting payo sa kanya.

Nagiging mali ang pagakagalit kung sobra-sobra tayo magreact tungkol dito. O kung isinasapuso natin ang galit sa ating kapwa na nagiging unhealthy o nakapipinsala. Halimbawa, nakasasama na ang ating pagkagalit sa ating kaibigan kung paulit-ulit tayong nagbibitiw ng masasakit na salita sa kanila kahit alam na nila ang punto natin. O kung sinisiraaan na natin sila sa ibang tao at nasisira ang kanilang reputasyon. 

Alalahanin natin na pag-ibig lamang ang sagot upang sila magkaroon ng pagbabago sa mundo. Siguro ay alam natin ang kuwento ni Aesop tungkol sa isang lalaki na nakabalabal. Nagpustahan ang araw at ang hangin na kung sino ang makapag-aalis ng balabal ng lalaki ang siyang mas dakila. Ginawa ng hangin ang lahat, umihip siya ng umihip hanggang magkaroon ng buhawi at bumagyo. Subalit, mas hinigpitan ng lalaki ang hawak sa kanyang balabal at di kailanman inalis sa kanayang katawan. Nang sumikat ang araw at uminit muli ang kapaligiran, saka inalis ng lalaki ang balabal dahil sa sobrang init. Sa ating mundo, hindi tayo makapagbabago ng tao kung puro puwersa lang ang ating ginagawa. Kung tayo ay patuloy na nagmamahal, hindi nga madali subalit ito ang mas mabisang paraan upang mabago ang tao at ang ating sambayanan. 


Dapat unahin natin ang pagmamahal dahil ang katarungan ay susunod na lang kapag may tunay na pagmamahal. Halimbawa, may pagkakataon na siniraan ako ng aking kaibigan at nalaman ang mga bagay na sinabi ko lang sa kanya. Nagalit ako sa kanya subalit, dahil ayokong masira ang aming pagkakaibigan, pinilit kong kausapin na lang siya tungkol dito. Sinabi ko na hindi ko gusto ang kanyang ginawa at ipinaliwanag ko ang mga maling naidulot nito sa akin. Hindi madali sa kanya ang pagsabihan ng ganoon. Kinabukasan ay napagtanto niya ang mali niyang nagawa at humingi siya ng tawad. Natutunan ko na kung mas pinili ko ang katarungan at ang gumanti sa kanya, siguro ay nasira na ang pagkakaibigan namin ngayon.

Kung tayo ay hindi magpapatawad, tayo ang mahihirapan. Katulad iyan sa pagsaksak natin sa ating kapwa habang hawak ang talim ng kutsilyo. Maaring masaktan nga ang ating kapwa habang patuloy na dinidiin natin ang handle ng kutsilyo subalit tayo namn ang patuloy naman na nasusugatan. Kung tayo ay magpapatawad, nagiging malaya  tayo sa masasamang dulot ng pagkakapoot at mas naibibigay natin sa nagkasala sa atin ang mas nararapat sa kanila. Hindi poot o pagkamuhi kundi kaliwangan na dulot ng tunay na pagmamahal.

Sa Pebrero 25 sa taong ito, ipagdiriwang natin ang ikadalawampu't-limang taon ng EDSA People Power Revolution noong 1986. Ipinakita natin sa buong mundo na ang mga tangke ng sundalo, mga baril at anumang karahasan ay hindi kailanman magtatagumpay sa harap ng pag-ibig, pagkakaisa, katarungan at pagpapatawad. Nawa'y ang aral na ito di maalis sa lahat ng pagkakataon--- katangi-tangi man o ordinaryo--- sa ating buhay.






At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo. (Efeso 4:32)

2 comments:

  1. we must think... is our anger healthy? nakatutulong ba ito upang mapabuti ang isang tao o mas maging malalim ang aming pagkakaibigan o nakkasira lang? pls reflect... tnx!

    ReplyDelete
  2. Kung tayo ay hindi magpapatawad, tayo ang mahihirapan.

    True.
    Ang bigat ng dalahin kung hindi tayo magpatawad. Araw-araw dadalhin mo yong burden.
    Kaya pagsumikapan naten patawarin ang ating kapwa tulad ng pagpapatawad ng ating Ama sa langit.

    ReplyDelete