Thursday, June 9, 2011

Mga Tanda ng Espiritu Santo



Ngayon ang birthday natin bilang mga Kristiyano.  Sa linggong ito, Pentekostes sa mga Hudyo ay ipinagdiriwang natin ang pagpanaog ng Espiritu Santo sa mga unang miyembro ng Simbahan. Ang mga mahihina at duwag na mga alagad ni Hesus ay nagkaroon ng lakas loob na lumabas at ipahayag ang Ebanghelyo ni Hesus sa Herusalem, sa Galilea at Judea, sa Samaria, hanggang sa buong daigdig at patuloy na lumalago sa kasalukuyan.

Sa linggong ito, ating ipinagdiriwang ang Espiritu Santo bilang Panginoong Diyos na tulad ng Ama at Anak at angTagabigay ng Buhay.  

Ang Dios Espiritu Santo ay espiritu kung kaya hindi natin siya makikita. Hindi rin natin siya kayang ipaliwanag o ihanbing sa kung anong bagay. Subalit, mababasa natin sa Banal na Kasulatan na kapag siya ay papanaog sa lupa, siya ay nagpapakita ng mga tanda upang sa kahinaan natin bilang tao ay maramdaman natin at maintindihan ang kanyang presensiya. Sabi nga ni Santo Tomas ng Aquino: Walang pumapasok sa isip at diwa natin na hindi dumaraaan sa pandama (Nothing comes to the mind without passing through the senses.) Subalit alalahanin natin na ang mga tandang ito ay kakapiraso pa lamang ng ating pagkakaintindi sa misteryo at gawain ng Espiritu Santo.  At ang mga tandang naririto ay iilan lamang sa mga tandang maaring ilarawan sa kanya.


Ang puting kalapati ang pinakapopular na tanda ng Espiritu Santo. Ito ang tanda niya ng pumanaog siya kay Hesus ay nagsimula ng kanyang ministeryo sa pamamagitan ng pagpapabinyag kay Juan. Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyong tulad ng kalapati. Isang tinig ang nagmula sa langit na nagsasabi: Ikaw ang aking pinakamamahal na anak. Lubos akong nalulugod sa iyo. (Lucas 3:22) Sinasagisag nito ang Espiritu Santo bilang maamo at nakapagbibigay galak sa sinumang makakita.  Ang mga pakpak din ng kalapati ay sagisag ng Espiritu Santo na yumayakap sa atin upang tayo ay maging ligtas at payapa. Maaalala rin natin ang kalapati na siyang unang nagpahayag na malapit ng humupa ang baha sa pamamagitan ng pagdadala nito ng dahon ng oliba. Ang pagpanaog din ng Espiritu Santo sa anyo ng kalapati ay pagpapahayag din na tayo ay ligtas na sa pamamagitan ng pagkakatawang tao ni Hesus. Gayundin ang kaligtasan na ito ay ating matatanggap sa pamamagitan ng tubig ng binyag na kung saan ang Espiritu Santo ay nanahan sa atin.




Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. (Gawa 2:1-2) Ang presensiya ng Espiritu Santo ay sinasagisag din ng hangin. Simbolo ng buhay. Ibig sabihin ang Espiritu Santo ang hininga ng Diyos na siyang nagbibigay buhay sa lahat.  Noong Pentekostes, muling hiningahan ng Diyos ang mga alagad niya at ginawa niyang mga bagong nilalang katulad ng paghinga niya sa alikabok at naging si Adan. At ang hangin ay di natin nakikita subalit nararamdaman natin at nakikita natin ang epekto nito sa sinumang nahanginan. Ang Espiritu Santo rin ay di nakikita subalit nadarama natin ang kanyang presensiya sa atin at ang bunga niya sa kanyang mga pinatnubayan. Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. (Galacia 5:22-23)


May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila. (Gawa 2:3) Ang apoy ay napakagandang tanda rin ng presensiya ng Espiritu Santo.  Siya ang tumutupok sa ating mga kasalanan. Siya rin ang tumutupok sa atin upang maging buhay na handog sa Diyos kung paanong sinusunog rin ang mga handog sa templo. Kung ang mga pagkain natin ay nagkakaroon ng pagbabago kung ito ay ating iluto (sa pamamagitan ng apoy), ang Espiritu rin ay nagbibigay sa atin ng pagbabagong buhay. Gayundin ang apoy ay nagbibigay ng init at liwanag katulad ng Espiritu Santo sa ating mga puso.

At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. (Gawa 2:4) Ang pagsasalita sa mga dila ay tanda rin ng Espiritu Santo hindi lamang noong Pentekostes subalit kahit sa kasalukuyan. Karaniwan ito sa mga Charismatic groups.  Natatandaan ko ang kuwento ng Tore ng Babel sa aklat ng Genesis. Ang mga tao ay gumawa ng tore sapagkat nais nilang marating ang langit at maging kasing dakila ng Diyos.  Noong mga araw na iyon ay iisa lamang ang kanilang salita. Subalit, dahil sa kanilang pagmamataas at kapalaluan ay pinagiba-iba ng Diyos ang kanilang mga wika at hindi sila nagkaintindihan kung kaya't nagkawatrak-watak sila at hindi natuloy ang kanilang proyektong dimaka-Diyos.  (cf Genesis 11:1-9) Sa pagsasalita sa iba't ibang wika ay tanda ng pagkakaisa. Ito rin ay tanda na ang tao ay bukas sa anumang ipinapasabi sa kanya ng Espiritu. 


Sa kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin, at ang lahat ng nananalig sa akin ay uminom. Sapagkat sinasabi sa kasulatan, ˜Mula sa puso ng nananalig sa akin ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.  Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. . (Juan 7:37-38)
Ang tubig ay simbolo rin ng Espiritu Santo bilang tagabigay ng buhay. Hindi tayo mabubuhay nang walang tubig. Ito ang 70 porsyento ang ating bigat sapagkat ito ang naglilinis sa ating katawan at tumutunaw at nagbibigay ng sirkulasyon ng mga sustansiya at mineral sa ating katawan. Samakatwid, ang Espiritu Santo ang tagalinis rin ng ating mga kasalanan at siyang patuloy na nagbibigay kalusugan at kahusayan sa ating kaluluwa.  Kung kaya tayo ay palaging mga uhaw--- sa pagmamahal, sa pagkilala ng iba, sa kaligayahan. Malimit ay pumupunta tayo sa yaman, sa iba't ibang relasyon, pansariling kakayahan, libangan at iba pa subalit ang Espiritu Santo lamang ang tanging makakapawi nito.


"Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon." (Lukas 4:18-19) Ang langis ay isa ring simbolo ng Espiritu Santo na nagtatalaga sa atin sa isang misyon. Hindi lang ordinaryong langis kundi langis na galing sa dahon ng oliba na simbolo ng tagumpay.  Ang Mesias ay galing sa salitang ibig sabihin ay pinahiran ng langis. Noon sa Israel, pinapahiran ng langis ang sinumang itinalaga ng Diyos bilang hari, pari at propeta. Hanggang sa ngayon ay nanatili ang ganitong tradisyon sa Simbahan kung saan, pinapahiran din ng langis ang mga binyagan, kinukumpilan at itinatalaga bilang diakono, pari at obispo. Kung kaya't tayo sa binyag ay pinahiran ng langis at natanggap natin ang Espiritu Santo kagaya ni Kristo upang maging hari (tagapamuno at lingkod ng bayan ng Diyos), Pari (tagapaghandog ng sakripisyo sa Diyos) at propeta (tagapagsalita sa bayan bilang sugo ng Diyos).  Maliban sa pagpapahid ng langis upang utusan tayo sa isang misyon, ang langis din ay ginagamit sa pagpagaling sa maysakit na naroroon sa Sakramento ng Olio.  Kung kaya't ang Espiritu Santo ay siyang nagpapagaling sa ating mga karamdaman pisikal man, sikolohikal (pag-iisip at pag-uugali) at espiritwal. 


Ang menorah ay ang ilawang palaging nakasindi sa templo ng mga Hudyo (cf. Exodo 37:17-24)  Ito ang sagisag ng presensiya ng Diyos sa kanyang bayang Israel.  Ito rin ay isang simbolo ng Espiritu Santo na palaging tumatanglaw sa kanyang Simbahan, ang bagong Israel taglay ang kanyang pitong handog ayon sa sinabi ni Propeta Isaias: Mananahan sa kanya ang Espiritu ni Yahweh, ang espiritu ng (1) karunungan at (2) pang-unawa, ng (3) mabuting payo at (4) kalakasan,(5) kaalaman at (6) pagsunod at (7) paggalang kay Yahweh. Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh. (Isaias 11:2-3)

Patuloy na pinupuno ng Espiritu Santo ang mundo na nagbibigay ng kapayapaan, lakas at kagalakan na galing sa Diyos. Kung wala sa atin ang Espiritu Santo, ang mga tao sa paligid natin ay mga bagay lamang na wala tayong malasakit o pakialam kundi mga kasangkapan lamang natin upang mapunuan ang mga pansarili nating interes. Subalit kung nasa atin ang Espiritu Santo, tayo ay mapupuno ng pag-ibig at titingnan natin ang lahat ng bagay at mga tao sa ating paligid katulad ng pagtingin ni Hesus. Gayundin, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, makikilala natin, mamahalin natin at paglilingkuran ang Ama katulad ng pagkakailala, pagmamahal at paglilingkod ni Hesus. 

Aleluya!

No comments:

Post a Comment