1
Muling sumagot si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga. 2Sinabi niya: Ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na nagbigay ng isang piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. 3Isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ngunit ayaw nilang dumalo. 4Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na sinasabi: Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naghanda ako ng hapunan. Kinatay na ang aking mga baka at ang lahat ng mga bagay ay nakahanda na. Halina kayo sa piging.
5Ngunit hindi nila ito binigyang pansin at sila ay umalis. Ang isa ay pumunta sa kaniyang bukid, at ang isa ay sa kaniyang kalakal. 6Ang iba ay sinunggaban ang kaniyang mga alipin, kanilang nilait ang mga ito at pinatay. 7Nang marinig ito ng hari, siya ay nagalit. Sinugo niya ang kaniyang hukbo at pinuksa ang mga mamamatay taong iyon. Sinunog niya ang kanilang lungsod.
8Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alipin: Nakahanda na ang piging ngunit ang mga inanyayahan ay hindi karapat-dapat. 9Pumunta nga kayo sa mga lansangan at sinuman ang inyong matagpuan ay anyayahan ninyo sa piging. 10Lumabas nga ang mga alipin sa mga lansangan at dinala ang lahat ng kanilang mga natagpuan. Dinala nila kapwa ang masama at mabuti. Ang piging ay napuno ng mga panauhin.
11Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang lalaking hindi nakasuot ng damit na pampiging. 12Sinabi niya sa kaniya: Kaibigan, papaano ka nakapasok dito nang hindi nakasuot ng damit na pampiging? Ngunit wala siyang masabi.
13Sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod: Igapos ninyo ang kaniyang mga paa at mga kamay. Dalhin ninyo siya at itapon sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.
14Ito ay sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili. Mateo 22
Sa bansang Israel at kahit maging sa kasalukuyan, masasabing ang kasalan na yata ang pinakaengrandeng selebrasyon sa isang karaniwang tao. Noon, halos umaabot sa dalwang taon ang preparasyon para sa kasalan. Sa kultura ng mga Judio, hindi lang basata-basata ang mga pagkaing ihahanda, kundi ang pinakakamatabang baka ang kakatayin at pinakamasarap na putahe ang lulutuin. Pinakamahal din ang damit na sususutin at ang alak ang pinakamasarap. Isang malaking kahihiyan kapag kulang ang alak o pagkaing naihanda o hindi gaanong nasiyahan ang mga bisita.
Sa Ebanghelyo natin sa linggong ito, ang Hari mismo ang nag-imbita. At ang ikinasal ay ang Prinsipe na magmamamana sa kanyang korona. Subalit, wala man lang nagpaunlak sa kanyang imbitasyon. Lahat ay may mga gagawin. At hindi lamang iyan. Sinaktan nila ang mga nag-imbita kung kaya sila ay pinarusahan. At ang handaan ay binuksan para sa lahat. Subalit, may isa ring hindi handa na pinarusahan din dahil sa di tamang kasuotan sa kasal.
Linggo-linggo ay inniimbitahan tayo ng Hari upang makiisa sa "kasal" ni Hesus at ng Santa Iglesia. Subalit, katulad ng mga nasa parabula, hindi tayo tumutugon. Ang mga dahilan natin ay maaaring mahati sa dalawa: trabaho ("Hindi muna ako magsisimba kasi may trabaho ako ngayon." "Hindi muna ako magsisimba kasi may gagawin akong project". Hindi muna ako magsisimba kasi magrereview ako sa exams".), pamilya o relationships ("Hindi muna ako magsisimba kasi kailangan kong tumulong sa mga gawaing bahay." "Hindi muna ako magsisimba kasi kailanagan kong alagaan ang aking nakababatang kapatid". "May outing kami ng barkada".) Pero kung iyon ang mga dahilan, sino pa ang tutugon sa panawagan ng Diyos? Sino ba sa atin ang walang trabaho o walang pamilya?
Totoo ang kasabihan: Ang may gusto, maraming paraan, ang ayaw maraming dahilan. Mabuting suriin natin ang ating mga sarili, may dahilan nga ba tayo sa di pagtugon sa tawag ng Diyos? Hindi lamang sa pagsisimba kundi sa patuloy niyang panawagan sa ting pang-araw-araw na buhay ukol sa kabanalan. May dahilan nga ba tayo o simply ayaw lang natin? Ano ba ang isa o dalawang oras na iaaalay natin sa Diyos? Ano ba ang tira-tirang oras na ibibigay natin sa kanya sa kabila ng mga busyness natin sa ating buhay? Kung sususriin natin, kapag ibang tao nag-imbita, madali tayong tumugon. Subalit kapag ang Diyos, hindi. At hindi iniintindi ng Diyos ang mga panahong tira-tira lamng na binibigay natin sa kanya gayong siya naman talaga ang nagbigay ng lahat ng bagay sa atin. Malugod pa rin niyang tinatanggap kahit tila ba ibinibigay lang natin sa kanya ang ating mga bakanteng oras.
Ang panawagan ng Diyos upang makisalo sa kanyang piging ay panawagan din ng maayos na relasyon sa kanya. Sa ating mga Pilipino, normal ang umalok ng makakain sa isang tao kung may pag-uusapan. Meal is not all about food, it is about relationship. Ibig sabihin, sa pag-aalok saiyo sa isang piging, nais ng Diyos na makipag-close o magkaroon kayo ng intimacy. Sa patuloy nating pagtugon sa Diyos, nagiging masa malapit tayo sa kanya.
Subalit sa Ebanaghelyo, may isang hindi nakadamit na nababagay sa okasyon, kung kaya't siya ay pinarusahan. Ibig sabihin, hindi guarantee na naging close tayo sa Diyos kapag tumugon tayo sa pagsisimba o ligtas na tayo kapag tayo ay nabinyagan. Kailangan ang kahandaan, kailangan na nababagay ang suot nating damit para sa "piging" ng Diyos. Noong tayo ay bininyagan, sinuotan tayo ng puting damit, tanda na hinuhubad na natin ang lumang damit ng ating pagkamakasalanan at sinusuot natin ang damit ng kalinisan at grasya ng Diyos. Kumusta ang puti nating damit? Marumi na ba o gula-gulanit? Kung gayon, isuot muli natin ang puting damit na tanda ni Hesus upang maging maayos tayong humarap at kumain sa hapag ng Panginoon.
No comments:
Post a Comment