Si Hesus ay naghihintay sa isang babaeng Samaritana, na itinuturing na marumi ng mga Hudyo dahil sa ibang uri ng kanilang pagsamba at mga kaugaliang may halong pagano. At ang babaeng iyon ay nagkaroon ng limang asawa at may kinakasama na hindi niya asawa. Ito ang maaring dahilan kung bakit sumasalok siya ng tubig sa tanghaling tapat kung saan mainit ang sikat ng araw. Iniiwasan niya ang mga tao na madalas sumalok tuwing umaga o sa takipsilim. Maaring hinintay ni Hesus ang pagdating niya. Pinutol ang maling kaugalian na di pakikihalubilo ng kanyang lahi sa mga Samaritano at ipinahayag niya sa kanya ang salitang nagbibigay buhay.
Sumagot si Jesus, "Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka naman niya ng tubig na nagbibigay-buhay. Sumagot ang babae, "Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang panalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?" Sumagot si Jesus, Ang bawat uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan. (Juan 4:10-14)
Naalala ko ang isang nakakatawang kuwento. May isang Igorot na bumaba ng bundok upang ipamili ang kanilang mga produkto. At nang siya'y mauhaw at humingi siya ng tubig sa isang tindahan ay itinuro siya sa gripo. Nagtaka siya sapagkat walang tubig. Mayamaya'y may dumating at pinihit ang gripo at takang-taka siya sa lumabas na tubig. Manghang-mangha siya habang uminom. Nagtanong siya kung ano ang tawag doon sa ininuman niya at nang malaman ay pumunta siya sa hardware at bumili ng maraming gripo. Sabi niya, hindi na sila mapapagod pang sumalok ng tubig sa balon. At nang makarating siya sa bundok ay sinubukan niyang itali ang isa sa mga nabili niyang gripo sa poste. Ipinakita niya sa kanyang mga kababayan ang bago niyang natuklasang paraan ng pagsalok ng tubig. Subalit, nang buksan niya ang gripo ay walang nailabas na tubig. Naisip niya na baka sira lamang ang gripong nabili niya. Subalit, wala ni isa sa mga gripong nabili niya ang naglabas ng tubig. Takang-taka siya kung bakit.
Katulad ng gripo, walang kabuluhan ang buhay natin kapag hindi nakakonekta kay Hesus--- ang bukal ng buhay. Maaring nabubuhay nga tayo subalit, hindi ganap. Maaring matagumpay nga tayo sa ating mga larangan, maaaring tayo ay maging mayaman o sikat subali't hindi tayo masayang nabubuhay. Sabi nga sa Ingles: we will simply exist but we do not live.
Sinabi ng babae, Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli. (Juan 4:15)
Ang babaeng Samaritana ay maaring makasalanan, marumi sa tingin ng mga Hudyo at maging sa tingin ng kanyang mga kapwa Samaritano, subalit naroon ang pagiging bukas ng kanyang puso na kilalanin si Hesus at mabigyan ng tubig na nagbibigay-buhay. Pagkatapos ng pag-uusap nila ay iniwan niya ang banga- ang sisidlan ng tubig at ang balon upang ipahayag sa kanyang mga kasamahan ang mga itinuro sa kanya ni Hesus. Ang kanyang reaksiyon niya matapos ipahayag ni Hesus ang Tubig na nagbibigay-buhay ay kakaiba sa reaksiyon ni Nicodemus, isang Pariseo na tinuruan din ni Hesus ng maraming bagay na may pagkakatulad sa kanyang mga isinabi niya sa babaeng Samaritana. (c.f. Juan 3:5). Hindi siya naging alagad ni Hesus sa takot niyang pagtawanan o itakwil ng kanyang mga kapwa Pariseo. Ang reaksiyon ng babaeng Samaritana ay kakaiba sa reaksiyon ng mga alagad ni Hesus nang dumating sila pagkatapos bumili ng pagkain. Sinabi nila kay Hesus,"Guro kumain na po kayo." At siya'y sumagot, "Mayroon akong pagkain na hindi ninyo nalalaman." At sila'y nagtanong sa isa't isa, "Sino kaya ang nagbigay sa kanya ng pagkain?" At sinabi ni Hesus, "Ang aking pagkain ay ang tuparin ang kalooban ng aking Ama." (Juan 4:31-34). Hindi sila humingi ng pagkain kay Hesus matapos niyang ihayag na mayroon siyang pagkain na hindi nila alam. Hindi sila katulad ng babaeng Samaritana na biglang humingi ng tubig na nagbibigay buhay kay Hesus kahit bago pa lang silang magkakilala. Kahit na matagal na nilang kasama ni Hesus ay hindi sila nagkaroon ng pagkakaunawa kagaya ng babaeng Samaritana.
Tayo ay inanayayahan ngayon na lumapit sa Bukal ng Buhay. Sa kabila ng ating mga pagkakasala at pagkakamali, nariyan ang pauli-ulit na pagkakataong ibinibigay ni Hesus. Mayroon akong mga kilala na hindi na nais magbago dahil sa iniisip nilang huli na. O kaya naman ay nahihirapan silang tumayong muli matapos ng paulit-ulit na pagkakadapa. Kagaya ng babeng Samaritana, buksan natin ang ating puso na tanggapin ang kapatawaran at ang bagong buhay na dala ni Hesus. Katulad niya, inaanyayahan tayo na iwanan na ang banga ng lumang buhay at balon ng mga lumang paniniwala at tanggapin si Hesus bilang Bukal ng ating Buhay.
At sinabi ng Panginoon, "Halikayo sa tubig, kayong mga nauuhaw! Halikayong mga dukha, halina, tumanggap ng trigo at kumain! Halina at uminom ng alak at gatas, libre at walang bayad! Bakit ninyo aaksayahin ang inyong pera sa hindi naman pagkain at ang inyong mga sahod sa hindi nakapagpapabusog? Makinig kayo sa akin at kayo'y kakain ng masagana. Kayo'y magagalak sa marangyang piging. Halikayo, makinig at nang magkaroon kayo ng buhay!" (Isaias 55:1-3)