"Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, hindi po ba kami ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?' Ngunit sasabihin ko sa kanila, 'Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan. Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak."(Mateo 17:21-27)
Alam ni Hesus na mahahati sa dalawa ang kanyang mga alagad. Ang mga totoong mananampalataya at ang mga nananampalataya subalit namumuhay ng hindi ayon sa kanyang kalooban. Inihahayag niya ang kaligtasan sa una at kaparusahan sa ikalawa.
Sa ebanghelyo, mapapansin natin na kahanga-hanga ang mga ginawa ng kanyang mga alagad--- nagpahayag ng kanyang Mabuting Balita, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng maga himala. Gayunpaman, sinasabi ni Hesus sa kanila na hindi niya sila kilala! (Mateo 7:23) Kung gayon, sino ang mga taong tunay na kinikilala sa Panginoon?
Sinsabi sa Juan 10:27-28 na ang mga 'tupa' ni Hesus ay nakikinig sa kanya. Kilala niya sila at sumusunod naman sa kanya. Kung gayon, ang mga taong ito ay inihahalintulad ni Hesus sa mga tupa na alam ang tinig ng kanilang amo. Sila ang maga taong nakikinig sa kanyang mga salita at tumutupad nito. Kung gayon maaari nga tayong gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa Diyos. Maari nga tayong makapaglingkod sa kanya at makapagpahayag ng Ebanghelyo. Subalit, maaari namang ang mga iyon ay hindi ayon sa kanyang kalooban. Halimbawa, nasa simbahan tayo dahil sa ating mga kinasanayan o upang mas maparangalan tayo ng ibang tao. O maari namang nakikinig tayo ng mga salita ng Diyos hindi kinakikitaan sa ating pang-araw-araw na buhay. O nananalangin nga tayo subalit madaling maghimutok at mabagabag sa mga pagsubok na dumarating sa ating buhay.
Magandang isaisip din natin: Bakit ba ako nananalangin, nagsisimba o naglilingkod sa Simbahan? Dahil lang ba ito sa mga masasayang events? O dahil lang sa mga kaibigan? Kung sakaling umalis ang aking mga kaibigan, aalis rin ba ako? Dahil ba sa acceptance o papuri na naririnig ko sa iba? O dahil sa gusto kong mapaglingkuran ang Diyos? Nakikita ba sa aking buhay ang tunay na paglilingkod? O Kristiyano lang ako tuwing linggo o kung may okasyon? Matapat ba ako sa paaralan o sa aking trabaho? Maayos ba akong makitungo sa iba o taliwas ang aking mga ginagawa sa loob at labas ng Simbahan?
Sinasabi ni Hesus na ang sinumang nakikinig sa kanyang mga salita at tumutupad niyon ay katulad sa isang taong nagtayo ng bahay na may matibay na pundasyon. Kung gayon: kumusta ang ating paglilingkod sa Diyos? Kumusta ang ating pananampalataya? Matibay ba ito sa kabila ng mga pagsubok o panghihina? Madalas ba tayong paghinaan ng loob o magkaroon ng katamaran sa paglilingkod sa kanya? Kung gayon, tingnan natin ang pundasyon nito. Saan ba ito nakatayo--- sa emosyon lang ba? O sa magagandang layunin? Sa mga kaibigan ba? sa ating Ego? O kay Hesus?
Ang bahay na siyang sumisimbulo sa ating puso--- kung nakatayo sa magagandang hangarin na ipinagkaloob ng Espiritu Santo ay mananatiling matibay. Salamat sa grasya ng Panginoong Hesus!
"Magagawa ko ang lahat sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin." (Filipos 4:13)
No comments:
Post a Comment