Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Hesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila’y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Hesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit.(Mateo 17:1-2)
Matapos ipahayag ni Hesus sa kanyang mga alagad na siya ay magbabata ng hirap at papatayin subalit babangon sa ikatlong araw, pinalakas ni Hesus ang kanyang loob at ng kanyang mga alagad sa pamamagitan ng pananalangin sa bundok. Ang bundok ay siyang madalas panalanginan ng mga Patriyarka at mga sugo ng Diyos kagaya ni Abraham sa bundok ng Moria nang tangka niyang ialay si Issac (Genesis 22:1-24), si Moises sa bundok ng Sinai nang ibigay sa kanya ang Kautusan (Exodus 19:1-25), si Elias sa bundok ng Carmelo nang idinalangin niya na patunayan ni Yahweh na siya ang tunay na Diyos (1 Hari 18) at marami pang iba. Dahil sa ang bundok ay tahimik at malamig sa tuktok, ito ay magandang pook-dalanginan. Sa kanyang pagtahak sa bundok na yaon, minarapat ni Hesus na manalangin bago gumawa ng napakahalagang desisyon para sa kalooban ng Ama at sa kaligtasan ng tao. At sa kanyang pananalangin, pinalakas ng Ama ang loob niya at nakita ng kanyang tatlong apostoles ang kanyang kaluwalhatian.
Marahil ay naranasan na din natin ang Transfiguration o ang pagpapakita ni Hesus ng kanyang kaluwalhatian sa atin. Ito ang mga panahong sa kabila ng takot at pangamba ay naranasan natin ang rebelasyon ng Diyos at inspirasyon upang tayo ay magpatuloy. Maaaring ang mga ito ay naganap sa mga pagkakataong di natin inaasahan.
Ibabahagi ko ang naranasan ko noong Youth Encounter. Nakapaglingkod na ako dati bilang staff dahil sa kakulangan ng mga tagapaglingkod sa programa ng parokya pero hindi ko naranasan ang maging participant. Dahil narinig kong may YE sa ating Vicariate ay naisipan kong sumali upang magkaroon ng karanasan at dahil na rin sa ating objective na magkaroon ng Parish Youth Formation Team. Akala ko dati ay ordinaryo lang ang mararansan ko dahil nagstaff na ako dati. Subalit, hindi pala. Isa pala iyong karanasang hinding-hindi ko malilimutan. Marami akong nakilalang mga kaibigan. At mas lalong napatatag ang pagsasamahan namin sa core group ng PYC. Bukod pa roon, mas nakilala ko ang aking sarili at ang pakikitungo ko sa iba lalo na sa aking pamilya. Mas nalaman ko ang tunay na papel ko bilang anak at kapatid. At may session doon kung saan, naramdaman kong nangusap sa akin si Hesus. Hindi ko iyon inaasahan. Apat na araw lang iyon subalit hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang inspirasyon tuwing naaalala ko.
Marami pang pangyayari ang naranasan ko ang inspirasyon at lakas ng loob na bigay ni Hesus. Maaaring lahat tayo ay nakaranas na ng mga pangyayaring ito. Maliban sa mga seminars, retreats at recollections, maaaring naransan natin si Hesus sa masasayang pangyayari sa ating buhay--- kagaya ng family reunions, Christmas and Easter celebrations, graduation, mga pagkakataong kasama natin ang ating mga kaibigan at maaari ding sa payak at simpleng pangyayari katulad ng mataimtim nating pananalangin, pagsisimba o pagbabasa ng Bibliya. Mga karanasang damang-dama natin ang kagalakang dulot ng presensiya ng Diyos.
Subalit, kagaya ng naranasan ng mga apostoles, ang mga ito ay pansamantala lamang. Maaring katulad tayo ni San Pedro na nagsabi kay Hesus nang makita niya ang kagandhan ng pangitain sa bundok: "Panginoon, mabuti’t naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias."(Mateo 17:4) Hindi niya nais gumawa ng tahanan para sa kanilang tatlo. Gusto lamang niyang gumawa ng kubol para mas tumagal ang magandang pangitain. Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito’y may tinig na nagsabi, "Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!"(Mateo 17:5) Ang mga magagandang pangyayaring ito ay halimbawa lamang ng tunay na kaligayahan natin pagbaba sa bundok. Lagi sa aming pinaaalala bago magtapos ang YE: "Hindi ito ang tunay na mundo. Subalit, ang inyong mundo ay maaring maging ganito. Pinaaalalahanan lang kayo na posible ang ganitong mundo basta't kasama si Hesus."
Sa tuwing napaghihinaan ako ng loob, lagi kong ginugunita ang masasayang pangyayari na kasama ko si Hesus. Nasasabi ko sa aking sarili: "Posible pa ring maging masaya, nariyan siya bilang kaibigan at hindi ako matatakot." Huwag nating limutin ang magagandang karanasan nating kasama si Hesus. Ito ang ating inspirasyon sa patuloy nating pagtahak sa buhay.
No comments:
Post a Comment