Friday, March 11, 2011

Pagsubok sa Ilang

Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. (Mateo 4:1-2)



Sa mundong ito ay matatagpuan natin ang lahat ng uri ng tukso. Magbukas lang tayo ng telebisyon o magsurf sa internet ay makikita natin ang mga malisyosong programa na nakakasira sa ating mga kaisipan. Kahit magbukas tayo ng libro o magbasa tayo ng dyaryo, mababasa natin ang mga maling ideolohiya at katwiran. At kahit maging sa loob ng ating pamilya o sa pakikitungo natin sa ating mga kaibigan, maaring maging daan din sila upang malayo tayo sa katotohanan at maging malapit sa kasalanan.


Si Hesus bilang Diyos na nagkatawang tao ay natukso rin. Sabi nga sa kasulatan, siya ay tunay na tao katulad natin mailban lang sa kasalanan. Nagugutom din siya, nauuhaw, nagtatrabaho, nanalangin sa Diyos at nakakaramdam din ng galit, pag-ibig o maging pita ng laman. Subalit, ang kanyang pag-ibig sa Ama ay mas mahalaga kung kaya, napagtagumpayan niya ang mga tukso at nanatili sa kanyang misyon.

Sa unang linggo ng Kwaresma, pinagninilaynilayan natin ang pagsubok ni Hesus sa ilang. Tatlong beses siyang sinubok. At napagtagumpayan niya ang mga ito. Sa panahon din ng Kwaresma, ang bawat Kristiyano ay iniimbitahan din na katulad ni Hesus na manalangin, magsakripisyo at magbalik-loob sa Diyos sa loob ng apatnapung-anim na araw. Ang Kwaresma ay galing sa salitang Espanyol na Cuarenta  na ang ibig sabihin ay apatnapu. (Hindi binilang ang anim na linngo sa Kwaresma.) Ang panahong ito ay itinulad sa apatnapung araw ding pananalangin ni Hesus sa ilang pagkatapos na siya ay binyagan bilang paghahanda sa kanyang ministeryo. Kung kaya ang apatnapung araw na ito ay ating paghahanda rin natin sa pagdiriwang ng Misteryo Paskwal sa pamamagitan ng pananalangin at pagpapakabanal sa sarili.

Marapat na mapagnilayan rin natin ang mga pagkakataon sa ating buhay na kung saan, tayo ay nasa "ilang". Maaring ang mga pagkakataong ito ay hindi natin ginusto subalit naging kaparaanan ng Diyos upang tayo ay mapalapit sa kanya. Maaring ang mga pagkakataong ito ay yaong nagiging mabigat ang ating pakiramdam tuwing tayo ay nananalangin, nagdedebosyon o naglilingkod sa Diyos. Maaring ang mga pagkakataong ito ay yaong  dumaraan ang ating pamilya sa mabibigat na pagsubok. O halimbawa, sa mga panahong nagkakaroon ng alitan at hidwaan sa loob ng isang mahigpit na pagsasamahan ng magkakaibigan. HIndi ito niloob ng Diyos. Hindi siya kailanman nagnanais na tayo ay maging malungkot. Subalit, pinahihintulutan niya itong mangyari upang ipakita ang kanyang kapangyarihan at upang maging mas matatag tayo sa ting pananampalataya at relasyon sa kanya. Ang mga pagkakataong ito, kagaya ng karanasan ni Hesus sa ilang ay maituturing panahon ng grasya o kairos na kung saan, marami tayong natututunan, mas lumalakas tayo at mas napapapalalim natin ang relasyon natin sa Diyos at sa bawat isa.

Sa mga pagkakataong ito, huwag nating aksayahin ang grasya ng Diyos, patuloy tayong magnilay na sa kabila ng mga pagkakataong magulo ang isip natin o nalilito tayo kung ano ang marapat nating gawin. Marapat din na sa mga pagkakataong ito ay dagdagan natin ang ating pananalangin nang hindi tayo madaig ng tukso. Mabisa rin ang panalangin upang mas makapagconcentrate tayo sa dapat nating gawin. At dapat naroon din ang pagsasakripisyo para sa mabuting layunin. Halimbawa, kung may hindi pagkakasundo sa magkakaibigan, kailangang naroon ang pagsasakripisyo mo ng oras upang magkaroon ng panahong mapagusapan ang isyu at magkaroon ng pagkakaintindihan. O maari ring naroon ang pagsasakripisyo ng iyong pride upang mapatawad mo siya at muling tanggapin.

Isa sa mga paborito kong santo ay si San Juan dela Cruz, isang paring Espanyol. Sabi niya, kung kinakailangang dumaan sa gabi upang maranasan ang pagbubukang-liwayway, gayundin sa buhay espiritwal. Kinakailangang dumaan tayo sa gabi ng pananampalataya--- madilim, walang katiyakan, mga pagkakataong nararamdaman natin ang ating mga kahinaan, upang magkaroon tayo ng lakas, sigla at inspirasyon sa patuloy nating pagtupad sa ating misyon. Hingin natin ang tulong ng Diyos na gabayan tayo sa mga pagkakataong iyon.

Iseshare ko sainyo ang isa sa mga paborito kong kanta: ang Holy Darkness ni Dan Schutte. Ito ay hango sa mga turo ni San Juan dela Cruz. Marami pong salamat.

1 comment: