Mahal na araw na naman. Sa buong taon, sa linggong ito yata tayo pinakrelihiyoso. Natitiis nating maglkad ng napakalayo, o lumuhod ng napakatagal o mag-ayuno at mag-abstinensya. Sa linggong din ito mas naaappreciate natin ang ating pagiging Katoliko. Sa panahong ito, kahit marami ang nagbabakasyon, mas marami pa rin ang nagugunita sa linggong ito sa pamamagitan ng pananalangin, pagninilay-nilay sa pagpapakasakit ng Panginoon at pagsasakripisyo.
Ngayon ay Linggo ng Palaspas. Gunugunita rin natin ngayon ang Pasyon ng Panginoon. Mahigit dalawang-libong taon na ang nagdaan simula nang gamitin ang mga sanga ng oliba upang tanggapin si Hesus sa Herusalem subalit ginagamit pa rin natin ang mga ito upang tanggapin si Hesus bilang pagsalubong natin sa kanya sa Mahal na Araw. Ang kaibahan lamang ay noong panahon, tinanggap si Hesus ng mga taga-Herusalem sapagkat naniniwala sila na si Hesus ang magliligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga Romano. Kung kaya naman ang sigaw nila ay "Hosana" na ang ibig sabihin ay "Iligtas mo kami!". Ang mga taong tumanggap at nagbunyi kay Hesus ng "Hosana" ay siya ring mga taong nanlait at sumigaw ng "Ipako siya sa krus!" Pagkatapos ng apat na araw ay nawala na ang kanilang pananampalataya at sila pa ang nagpadala at nagpasuhol sa kanilang mga lider at mga saserdote upang ipapatay si Hesus nang makita nilang hindi niya kayang ipagtanggol ang Israel sa kapangyarihan ng mga kaaway.
Maaring tayo ay maging ganito. Marami tayong inaasahan sa Diyos at lumalapit tayo sa kanya sa tuwing maayos o maganda ang lahat. Subalit kapag napapansin natin na mahina tayo at hindi natin nakikita ang kanyang pagtulong, madalas bumaliktad tayo at magpadala sa tukso.
Ang mga palaspas natin ngayon ay tanda na maari nating tanggapin si Hesus sa ating buhay bilang Panginoon natin at Tagapagligtas. Sinisigaw din natin ang "Hosana" hindi upang palayain tayo sa kamay ng ating mga kaaway kundi upang palayain tayo sa ating mga kasakiman at kasalanan. Subalit, nasa atin pa rin ang desisyon kung mananatili ba siyang Hari ng ating buhay o itatakwil natin siya. Nasa atin ang desisyon kung tayo ay magiging tapat sa kanya o lalayo tayo sa kanya kapag nagiging mahirap na ang mga sitwasyon.
Sa parokya na aming pinanggalingan, ang tradisyon ay dapat wala talgang tao sa loob ng Simbahan bago magsimula ang misa. May palaspas man o wala, lahat nasa lugar ng pagbabasbasan ng palaspas at pagkatapos ng Ebanghelyo at maikling homiliya, magpuprusisyon na nasa unahan ang pari, mga apostol at magseserve sa misa kasunod ang mga tao. Pinapaalala kasi na ang Simbahan ay simbolo ng Heruslaem na kung saan ang pari na simbolo ni Kristo ay papasok upang tanggapin na maluwag ang kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Kasunod siya ng mga tao bilang tanda na sila ay nakikiisa sa pagdiriwang ng kanyang Mahal na Pasyon.
Nawa, pagkatapos ng ating pagpapabasabas ng palaspas, maalala nawa natin ang ating desisyon nanag tinaggap nation si Hesus bilang Panginoon. Sana sa tuwing nakikita natin ang mga palaspas na ito sa isang lugar sa ating bahay, maalala natin ang ating desisyong makiisa sa kanyang pagpapakasakit, pagkamatay hanggang sa kanyang Muling Pagkabuhay.
Ito ang isang clip sa Jesus Christ Superstar. Paborito ko ang linyang "Hey JC, won't you die for me?" At kahit na nanlumo si Hesus ay bukas puso niyang tinanggap ang kanyang kamatayan.
No comments:
Post a Comment