Saturday, April 2, 2011

Liwanag ni Kristo

Sa paglalakad ni Hesus, nakita niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, "Guro, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang?" Sumagot si Hesus, "Ipinanganak siyang bulag, hindi dahil sa nagkasala siya, o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya. Kailangang gawin natin a ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin habang umaga pa; malapit na ang gabi, at wala nang makakagawa pagsapit niyon. Habang ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan." Pagkasabi nito, dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi ni Jesus sa bulag, "Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe at maghilamos ka roon." Ang kahulugan ng salitang Siloe ay Sinugo. Ganoon nga ang ginawa ng bulag, at nang magbalik siya ay nakakakita na.(Juan 9:1-7)



Ang matalinong si Plato ay gumawa ng kuwento upang mas maipaliwanag niya ang kanyang pilosopiya. Noong daw ay may mga taong nakakulong simula pa nang sila'y ipanganak sa kuweba. Doon na sila lumaki. Doon ay madilim at ang tanging nakikita nila ay ang mga anino dahil sa liwanag na galing sa kuweba at sa apoy sa loob. Ang mga matatalino sa kanila ay pinagaaralan ang mga aninong nakikita nila sa dingding ng kuweba. Subali't may isa sa kanila na nakatakas at nakalabas. Una'y nasaktan siya sa liwanag na kanyang nakita. Subalit napansin niya na maganda pala ang nasa labas ng kuweba. Mas malawak, mas maraming mga tanawin, maliwanag at mas masaya. Ang ginawa niya, muli siyang pumasok sa loob at niyaya niya ang maga kasama niya na tumakas at lumabas. Subalit hindi siya pinaniwalaan at pinatay pa siya.

Noong nakaraang linggo ay napagnilaynilayan natin si Hesus bilang tubig na nagbibigay buhay. Kapag tinanggap natin siya, hindi na tayo mauuhaw at hindi na natin kailangan ang mga tubig na nagbibigay ng panandaliang pagpawi ng uhaw. Ngayon naman, pinatutunayan sa atin ni Hesus na siya ang liwanag ng sanlibutan at ang sinumang nannampalataya sa kanya ay hindi na muling maglalakad sa kadiliman bagkus ay magkakaroon ng liwanag ng buhay. (Juan 8:12)

Katulad tayo ng bulag o ng mag presong nakakulong sa kuweba. Alipin na tayo ng kasalanan kahit bago pa lamang tayo isilang. Bulag tayo sa kagandahan ng buhay, hindi natin makita at makilala ang Diyos at ang tunay na kahulugan ng ating buhay. Maaring katulad ng mga preso sa kuweba, nakikita natin ang mga anino ng mga bagay-bagay at pinag-aaralan natin ang mga patterns niyon subalit hindi natin alam kung ano ba talaga ang mga iyon. Maaring katulad ng mga bulag, naririnig natin ang mga sinasabi ng mga tao o nagagamit natin ang ating pandama subalit, hindi natin totoong alam kung ano ang tunay na anyo o kahulugan ng mga bagy-bagay sa ating paligid. At sapagkat lahat tayo ay bulag, naaakay natin ang kapwa natin bulag at madalas na akayin din nila tayo na nagdadala sa kapahamakan ng bawat isa sa atin.

Subalit, isa lamang ang hindi bulag at siya'y nagkatawang tao katulad natin upang alisin tayo sa pagkabulag at dalhin sa liwanag. Nais niyang mas makilala natin ang Diyos, mas maintindihan natin ang kahulugan ng mga nangyayari sa ating buhay at sa ating kapaligiran at magkaroon tayo ng matibay na pagpapasya na hindi lamang nagre-rely sa mga naririnig natin. Siya ang "naging preso na katulad natin" upang ipahayag ang tunay na mayroon pang buhay na mas maganda at mas malawak kaysa sa ating buhay sa kasalukuyan.

Subalit, masakit tanggapin ang katotohanan. Naroroon ang pagmamatigas ng ating ulo. Iyon ang naramdaman ng mga eskriba at mga Pariseo nang hulihin nila si Hesus, paratangan at patayin spagkat ang mga sinasabi niya ay "masakit sa paningin". Iyon din ang naramdaman nila nang makita nilang pinagaling niya ang isang lalaking isinilang na bulag. Ayaw nilang tangapin ang katotohanan na ang ginawa ni Hesus ay isang himala. Itinituring nilang makasalanan si Hesus dahil lamang na siya'y nagpagaling sa araw ng pangilin.

Balikan natin ang Ebanghelyo, paano pinagaling ni Hesus ang bulag? Maari namang pagalingin niya ito sa pamamagitan lamang ng kanyang wika o kahit hindi niya hawakan ang mata ng bulag. Subalit, dumura siya, gumawa ng putik at ipinahid sa bulag. Kailangan nating tanggapin na tayo ay bulag at matanggap natin ang marurumi o pangit na mga aspeto o pangyayari sa ating buhay. Kailangang tanggapin natin na tayo ay makasalanan upang makahingi ng kapatawaran. Paano tayo gagaling kung hindi natin alam o tanggapin na mayroon tayong sakit? Ang pagpapakumbaba ang simula ng pagbabagong buhay.

Pagkatapos niyon ay inutusan ni Hesus ang bulag na pumunta sa Siloe na malayo at mahirap para sa isang bulag. Kailangang mayroon din tayong panananampalataya upang tayo ay magkaroon ng kapatawaran at pagbabagong buhay. Paano tayo gagaling kung hindi natin paniniwalaan ang sinabi sa atin ng doktor? Kailangan ang pagtanggap sa pagbabagong buhay na kaloob ng Diyos. Dapat, kagaya ng bulag ay handa tayong gawin kung ano man nag pinagagawa sa atin bilang kondisyon ng pagbabagong buhay.

At sa pagbabagong buhay ay mararanasan natin ang persekusyon. Hindi nasiyahan ang mga tao maging ang kanyang mga magulang nang siya ay makakta. Sa halip ay tinanong-tanong pa siya at nagdulot ng kalituhan at tsismis sa kanilang lugar.  Itiniwalag siya ng mga Pariseo at ang masaklap pa, maging ang kanyang mga magulang ay hindi man lang siya ipinagtanggol at itinatwa pa siya. Mahirap magbagong-buhay kung ang kapalit ay magandang reputasyon. Subalit, dahil sa mga ito ay nakilala niya si Hesus at tinanggap bilang kanyang Panginoon.

Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't nang matagpuan niya ito ay kanyang tinanong, "Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?" Sumagot ang lalaki, "Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako'y manalig sa kanya." "Siya'y nakita mo na. Siya ang kausap mo ngayon", wika ni Hesus.   "Sumasampalataya po ako, Panginoon!" sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus.   Sinabi pa ni Hesus, "Naparito ako sa mundong ito upang humatol, at nang sa gayo'y makakita ang mga bulag at mabulag naman ang mga nakakakita." Narinig ito ng ilang Pariseong naroon at siya'y kanilang tinanong, "Ibig mo bang sabihi'y mga bulag kami? Sumagot si Jesus, Kung kayo nga'y bulag, wala sana kayong kasalanan. Ngunit dahil sinasabi ninyong nakakakita kayo, ang kasalanan ay nananatili sa inyo." (Juan 9:35-41)



Ngayon ay ang Linggo ng Kaligayahan o Laetare Sunday. Ipinapahayag ng Simbahan na nalalapit na ang pagdiriwang ng lubos na kaligayahan sa Linggo ng Pagkabuhay o Easter Sunday. Sa Linggo ng Pagkabuhay natin muling gugunitain ang mga panata natin sa Diyos noong tayo ay binyagan.  Magkakaroon lamang tayo ng bagong buhay bilang mga Kristiyano sa pamamagitan ng pagbabalik sa panahong itinakwil natin ang kadiliman ng kasalanan at tanggapin ang liwanag ni Kristo noong tayo ay binyagan. Mga bata pa tayo noon at ang sumagaot sa atin ay ang ating mga magulang at mga ninong at ninang. At ngayong tayo'y malaki na, muli nating sariwain ang ating mga panata sa Diyos at patuloy na mamuhay bilang mga anak ng liwanag. 

"Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka ni Kristo." (Efeso 5:14)

No comments:

Post a Comment