Noong nakaraang Linggo ay ginunita natin ang Pagpasok ni Hesus sa Herusalem. Matagumpay ito at tuwang-tuwa ang mga tao. Lunes hanggang Miyerkules ay nagturo si Hesus sa mga tao at noong Huwebes naman ay nagdiwang sila ng pista. Biglang nagbago ang mga tao, bigla nilang itinakwil si Hesus at pumayag na ipapatay sa krus. Napakalungkot ang mga pangyayayaring ito sa mga alagad niya, inialay na nila ang kanilang buong buhay para sa kanya--- iniwan nila ang kani-kanilang pamilya, trabaho, bayan at mga prinsipyo subalit namatay pa siya. Nakita nila kung paano niya pinagaling ang mga tao, tinuruan at binigyan ng bagong buhay subalit di nila sinuklian ng kabutihan o malasakit man lang. Nanlumo sila sapagkat di nila alam kung paano magsisimula ulit. Di nila alam kung ano ang gagawin ngayong wala na si Hesus na naging buhay na nila. At wala nang mas papantay pa sa kalungkutan ni Maria na balo at nawalan pa ng kaisaisang anak. At si Maria ay nakakita mismo kung paano siya husgahan, pahirapan, at patayin. Sino kayang ina ang hindi labis na mahihirapan habang pinagmamasdan niya ang kanyang anak na unti-unting namamatay habang pinahihirapan ng husto? Kay Maria at sa mga kaibigan ni Hesus, parang katapusan na ng mundo ito para sa kanila.
Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng sanlinggo, lumakad si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan ni Jesus. (Mateo 28:1) Nais lamang nilang lagyan ng pabango ang bangkay ni Hesus. Wala silang inaasahan na anuman. Biglang lumindol nang malakas. Bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay. (Mateo 28:2) Sila ay nasorpresa. Marami nang sinabi sa kanila si Hesus tungkol sa kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli subalit di nila maintindihan. Ito na kaya ang katuparan ng kaniyang mga sinabi sa kanila?
Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, "Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang pinaglibingan sa kanya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! At papunta na siya sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Iyan ang balitang hatid ko sa inyo." (Mateo 28:3-7)
Di nila alam ang kanilang gagawin. Magkahalong saya, takot at pagkabalisa ang kanilang nararamdaman. Maaring naitanong din nila kung ang mga ito ba ay panaginip lamang. Matutuwa sila kung ang mga ito ay totoo at subalit di nila alam kung paano ang mga ito nanagyari.
At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari. Ngunit sinalubong sila ni Hesus at sinabi, "Magalak kayo!" Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Huwag kayong matakot! Magmadali kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!"(Mateo 28:8-10)
Binigyan niya ang mga babae ng kapayapaan. Pinagkalooban sila ni Hesus ng kagalakan at pinawi ang kanilang pagkatakot. ang mga babae ay nabago. Nakatawid sila mula sa pagkatakot tungo sa kapayapaan, sa kalungkutan tungo sa kagalakan, mula sa pagkabalisa tungo sa pananampalataya.
Hindi lang mga babae ang nabago. Nagpakita si Hesus sa kanyang ina. Wala nang mas papantay pa sa kaligayahan niyang nalaman niyang buhay ang kanyang anak at maghahari pa magpasawalang-hanggan! Hindi lamang niya ipagpapatuloy ang kanyang mga nasimulan, magkakaroon pa ang mga ito ng kaganapan! Magpapakita si Hesus sa kanyang mga alagad sa Emaus, sa Jerusalem, kay Tomas, sa mga unang Kristiyano, hanggang kay Pablo hanggang sa mga Kristiyano sa bawat panahon. Ang kapayapaan, kagalakan at kaliwanagan na dulot ng Kristong nabuhay muli ay nananatili. Ang pagkabuhay ni Kristo ay nagdulot ng malaking pagbabago sa kasaysayan ng tao. Walang dahas, nakalikha si hesus ng bagong sibilisasyon. Mapapansin natin ang pagbabago ng mga alagad na naging dahilan ng paglago ng Simbahan. Marami ang nagbagong buhay at naging inspirasyon sa iba lao na sa mga di-Kristiyano. Nagkaroon ng mga pag-uusig, mga digmaan, kaguluhan, iba't ibang suliranin ang mga Kristiyano subalit kailanaman ay di nagtatagumpay ang kaaway. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman. (Juan 1:5) Ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus ay patuloy na nagliliwanag at gumagapi sa dilim.
Wala na sa libingan si Hesus. Siya ay nasa Galilea--- simbolo ng Simbahan. Siya di na siya pisikal na naririto subalit siya ay buhay na nararamdaman sa tuwing tayo ay nagkakaisa sa pagdiriwang ng banal na Misa, sa mga munting Sambayang Kristiyano o BEC, sa mga PREX at Life in the Spirit Seminars, sa Caritas Manila at Gawad Kalinga, at marami pang mga pangkat kung saan ang paghahari ng Diyos ay nakikita at damang-dama. Siya ang nasa puso ng sinumang tumatalikod sa kanilang mga kasalanan at itinalaga ang sarili sa tapat na paglilingkod sa Diyos at sa kanilang kapwa. Siya ang inspirasyon ng mga santo at mga bayani sa kanilang mga pagtitiis upang isabuhay at ihayag sa iba ang kanyang mensahe.
Kung tayo ay nagkakaroon ng pagdiriwang at piging sa tuwing may mahahagang okasyon sa ating buhay kagaya ng graduation, birthday, anniversaries at kasal, marapat lamang na ang araw na ito ay ipagsaya. Ito ang napakagandang katapusan pagkatapos ng ating mga pagpapakasakit at paghahanda noong Kuwaresma.
Maaring nararanasan natin ang mga Biyernes Santo sa ting buhay subalit ang araw na ito ay nagpapahiwatig sa atin ng tiyak na pag-asa mula kay Kristo na nabuhay muli.
Aleluya!
No comments:
Post a Comment