Thursday, July 21, 2011

Inihayag Mo sa mga May Kaloobang Tulad ng Bata

Nang panahong iyo’y sinabi ni Jesus, "Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo. "Ibinigay na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya. "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako’y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin  ang kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo."(Mateo 11:25-36)





Marahil ay magtatanong tayo kung bakit sa kabila ng ating pananalangin at paglilingkod sa Diyos ay nararanasan pa natin ang iba't ibang problema, kaguluhan, kahinaan at pagkamakasalanan.  Marahil ay tatanungin natin sa Diyos na kung kailan pa naman tayo nagsimulang lumapit sa kanya ay diyan naman natin naranasan ang mga pagsubok.  

Marahil ay alam natin kung paano magpalipad ng saranggola. Tayo ay katulad ng saronggola--- manipis, mahina, madaling liparin at tangayin ng hangin.  Minsan sa ating buhay ay nararamdaman natin na tayo ay nasa panahon ng walang katiyakan.  Di natin alam ang ating mga gagawin.  Di natin alam kung paano natin haharapin ang iba't ibang pagsubok sa ating buhay.  Di natin nakikita ang lubid na siyang kumokontrol sa atin.  Di natin alam ang hinaharap.  Madalas ay nagpapatangay na lamang tayo sa hangin dahil sa ating mga kahinaan.

Subalit nakalimutan natin na ang Diyos ang siyang humahawak sa atin.  Siya ang may hawak ng sinulid ng ating saranggola.  Hindi niya tayo pinababayaan.  Sa mga sandaling tayo ay tinatangay, nakakalimutan natin na siya pala ang gumagabay sa sinulid ng ating buhay upang ituro sa atin ang tamang direksyon. 

Kung kaya't bakit napakahalaga na kumapit tayo sa lubid at di kumawala sa kanya.  Sa ating pag-alis sa sinulid na ito, tayo ay mawawala at lalong di magkakaroon ng direksyon.

Tinatawag tayo ni Hesus: Lumapit kayo sa akin! Ako ang may hawak sa manipis na sinulid ng buhay.  Kapag kayo ay tinatangay ng problema, huwag kayong bumitaw.  Hawak ko kayo at di ko kayo pababayaan.

Ito ay maiintindihan lamang ng mga bata--- mga taong may confidence sa pag-ibig ng Diyos, mga taong lubos ang pananalig sa kanya katulad ng isang batang tahimik na natutulog sa bisig ng kanyang Ama.


No comments:

Post a Comment