Noong panahong iyon, sinabi ni Hesús sa kaniyáng mga alagad: “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siyá at kausapin nang sarilinan. Kapag nakinig siyá sa iyo, ang pagsasama ninyóng magkapatid ay napapanauli mo sa dati at napanunumbalik mo siyá sa Ama. Ngunit kung hindi siyá makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahát ng pinag-usapan ninyó ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung hindi siyá makinig sa kanila, sabihin mo ito sa pagtitipon ng simbahan. At kung hindi pa siyá makinig sa natitipong simbahan, ituring mo siyáng Hentil o isang publikano. Sinasabi ko sa inyó: anumang ipagbawal ninyó sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyó sa lupa ay ipahihintulot sa langit. Sinasabi ko pa rin sa inyó: kung ang dalawa sa inyó rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyóng panalangin, ipagkakaloob ito sa inyó ng aking Amang nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akóng kasama nila." (Mateo 18:15-20)
Naaalala ko noong PREX nang tinanong ako kung ano ang minimithi kong parokya o ano ang pangarap kong Simbahan. Katulad ng iba ang aking sagot ay ang marami ang nagsisimba, marami ang miyembro ng Church organizations, aktibong pakikilahok ng mga kabataan at mabungang social services ng Simbahan sa mga dukha. Sa Ebanghelyo sa linggong ito, parang gusto kong iredefine ang aking sagot base sa aking reflection sa mga sinabi ni Hesus. Hindi sa hindi maganda ang mga sagot ko noon subalit nais ko lamang na itugma at mas malinaw ang aking mithiin para sa Santa Iglesia.
Kapag narinig natin ang salitang Iglesia, malimit nating isipin ay ang sekta na itinatag ni Felix Manalo. Subalit, mas gagamitin ko ang salitang Iglesia kesa sa Simbahan sa post na ito dahil sa mas malinaw at mas malalim na kahulugan nito. Ang salitang Iglesia ay galing sa salitang Griyego na Ekklesia, ibig sabihin ay pagtitipon o fellowship ng mga sumasampalataya. Ang Simbahan kasi ay maaaring maging kahulugan lamang ay lugar na pinagtitipunan tuwing nagsisimba kahawig ng tindahan (lugar kung saan nagtitinda) o kainan (kung saan pwedeng kumain). Maaari ring ang Simbahan ay maging kahulugan lamang ng isang partikular na gawain kahawig ng piyestahan (pagdiriwang ng piyesta) o bolahan (paglalaro ng bola). Pero kapag sinabing Iglesia, pareho matatagpuan ang lugar, ang gawain, ang tao at ang purpose nito.
Ang minimithi ni Hesus para sa Iglesia ay ang pagkakasundo ng bawat miyembro. Sinasabi niya na ayaw niyang mayroong pag-aaway away kung kaya't dapat ay may paguusap-usap. Kung hindi nakinig ang isa ay kumuha ng saksi na siyang magiging arbitrer o tagapamayapa. Kung hindi pa ay sa mas maraming tao o Iglesia. Kung hindi pa ay tanggapin mo na lang ng bukal sa puso na ayaw niyang magbago o matagal pang panahon na magkakasundo kayo.
Minsan ay iba ang ginagawa natin. Nariyan ang pintasan at tsismisan na sinasabi lang natin kapag wala ang tao na kung saan tayo ay may sama ng loob. Kaya imbes na magkasundo ay lalong lumalala. Minsan naman mas nalalaman pa ng ibang tao ang kapintasan niya kaysa sa kanya. O minsan, di natin tinatanggap ng bukal sa puso ang ating kamalian o kinikimkim natin ang kanilang pagmamatigas. Kung si Hesus kaya ay naririto ngayon, magiging masaya ba siya sa ating Iglesia?
Sa di pagkakasundo-sundo, nandun ang di pagkakaisa. Sa di pagkakaisa ay walang katuparan ang lahat ng ating mga specific na kagustuhan para sa ating iglesia.
Ang ikalawang mithiin ni Hesus ay ang paggalang sa awtoridad o authority. Sinasabi ko sa inyó: anumang ipagbawal ninyó sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at anumang ipahintulot ninyó sa lupa ay ipahihintulot sa langit. Kapag di tayo pumapailalim sa iglesia na king saan tayo kabilang, magiging magulo ito. Di ba dahil sa di pagpapailalim sa Simbahan, lumaganap ang iba't ibang relihiyon, sekta at kulto? Dahil din sa di pagpapailalim sa mga itinakda ng Diyos sa iglesia, lumalaganap ang atheismo at sekularismo sa mundo? Kaya dapat nandun ang palagi nating panalangin sa ating mga pinuno ng Simbahan na nawa'y sila ay maging mga modelo at mapangalagaan nila ng bayan ng Diyos ng mabuti.
Ikatlo ay ang pagsamba sa Diyos ng nararapat sa kanya. Nawa'y matuwa ng Diyos sa pagbibigay natin ng karapatdapat na panalangin at sakripisyo. Walang galit, walang pagkukunwari, dalisay at kalugodlugod. At ang ikaapat ay ang presensiya ng Diyos sa kanyang bayan. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, naroon akóng kasama nila. Nawa'y maramdaman natin ang presensiya niya di lamang kung tayo ay nananalangin kundi tuwing tayo ay nagkakaisa sa ating paggawa ng lahat ng bagay para sa Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay.
Huli ay ang ating patuloy na paghangad ng kabutihan para sa ating iglesia. Sinasabi ko pa rin sa inyó: kung ang dalawa sa inyó rito sa lupa ay magkaisa sa paghingi ng anumang bagay sa inyóng panalangin, ipagkakaloob ito sa inyó ng aking Amang nasa langit. Kung tayo ay patuloy na maghahangad at magtatrabaho para sa kabutihan ng lahat, ito ay ating matatamo. Sapagkat sabi nga sa kasabihan "What the spirits desire, spirits attain."
Naghahangad ako na sana mas marami ang nagsisimba, mas marami ang miyembro ng Church organizations, mas aktibong pakikilahok ng mga kabataan at mabungang social services ng Simbahan sa mga dukha. At ang mga ito ay matatamo lamang sa pagkakasundo at pagkakaisa nating mga miyembro ng Iglesia, paggalang sa awtoridad ng Iglesia, pagbibigay sa Diyos ng kalugudlugod sa kanya, ramdam na presensiya ng Diyos sa kanyang bayan at ang patuloy na paghahangad at pagtatrabaho para sa kabutihan ng lahat.
No comments:
Post a Comment