Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Pakatandaan ninyo, ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. Ang tunay na pastol ay sa pintuan nagdaraan. Pinapapasok siya ng gwardiya, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, kundi patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba. Pakatandaan ninyo, ako nga ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako nga ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap. (Juan 10:1-10)
Sa linggong ito ay ipinagdiriwang natin ang Linggo ng Mabuting Pastol o Good Shepherd Sunday. Ngayon din ang linggo ng pananalangin para sa iba't ibang bokasyon ng buhay at para sa mga lider ng ating Simbahan at gobyerno. Sa liturhiya natin sa linggong ito, ipinakikita ang halimbawa ni Hesus bilang pastol na nagkaloob ng kanyang sarili para sa kanyang kawan.
Si Hesus bilang mabuting pastol ay isa ring pinto na siyang dinaraanan ng mga tupa. Ang tunay na pastol na nangangalaga sa kanyang kawan ay sa kanya dapat dumaan. Sinasabi ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayon na ang hindi dumaan sa kanya ay hindi matatawag na pastol kundi isang magnanakaw o tulisan. Katulad din ito sa ating mga bahay. Hindi natin maituturing na kaibigan ang isang taong hindi pumasok sa pinto kundi sa bintana. Matatakot tayo at magagalit kapag nakita nating may taong pumasok sa bintana na hindi natin kilala. At magtataka tayo kapag ang ating kaibigan ay pumasok lang sa bintana at di man lang kumatok sa pinto. Sa ating paglilingkod, ipinakikita na sa kanya tayo dapat dumaan bilang mga youth leaders sa ating parokya at sambayanan.
Dumaraan tayo sa pinto ni Hesus kung ang ating buhay ay nakaangkop sa kanya. Siya dapat ang daraanan natin bago tayo makapaglingkod sa kanyang kawan. Ito ay kung ang intensyon natin sa paglilingkod ay katulad sa kanya. Magandang suriin natin ang ating mga intensyon kung ito ba ay tungkol sa paglilingkod o sa ibang pansariling kadahilanan. Kung hindi kasi maganda ang intensyon, mawawala tayo kapag naroon na tayo sa mga sandali ng krisis o mga problema. Ang isang intensyon kasi ang batong pundasyon ng lahat ng ating mga ginagawa. Kung hindi matibay ang pundasyon, ang ating paglilingkod ay nasisira sa madaling panahon.
Dumaraan tayo kay Hesus kung ang ating buhay ay maituturing na kalugod-lugod sa kanya. Hindi ko sinasabing dapat ay maging mga santo tayo bago natin paglingkuran ang kanyang kawan. Subalit, kahit papaano ay malinis tayo at malaya sa mabibigat na kasalanan. Paano tayo makagagawa ng malalaking bagay sa iba kung ang maliliit na isyu natin sa ating mga sarili ay di natin maisaayos? Sa tingin ba natin ay mapaglilingkuran natin ng maayos ang iba kung di sa atin nakikita si Hesus? Minsan kasi, marami tayong nagagawang malalaking bagay sa iba. Kaya nating magsakripisyo o isawalang bahala ang mga personal nating kagutuhan upang gawin ang ating misyon pero hindi natin ito personal na mai-apply sa ating buhay sekswal o sa ating pamilya. Isa pa, sa aking personal na karanasan, mabigat sa loob at di ka totoong masaya kapag nakapaglililingkod ka subalit alam mong mayroon kang tinatagong kasalanan. Marapat na suriin din natin sa ting sarili kung ang ating buhay ba ay malinis at nakalulugod sa Diyos.
Ang pagdaan kay Hesus ay nangangahulugan na ang ating buhay ay maging katulad sa kanya bilang mabuting pastol. Katulad sa kanya na mabait, maamo, mayroong dedikasyon sa paglilingkod, nagsasakripisyo at patuloy na nangangalaga. Hindi niya iniiwan ang mga tupa kapag nagkaroon ng mga problema sa kawan o kahit ang kanyang buhay ay nasa panganib. Bagkus ay sinusuong niya ang panaganib upang mailigtas ang mga tupa.
Sa Israel noong kapanahunan ni Hesus, isang simple subalit napakadelikado at mahirap ang buhay ng isang pastol. Ang mga tupa kasi ay maituturing na mga malamya at mahihinang mga hayop. Minsan ay nawawala sila sa kagubatan o nahuhulog sa mga matatarik na bangin. Naroon din ang mga leon, lobo o oso na kakain sa kanila at minsan ay may mga tulisan na gagamit ng dahas upang nakawin ang mga tupa. Obligasyon ng isang pastol na bantayan ang mga tupa na walng mawala isa man sa kanila at labanan ang mga hayop o tao na magdadala sa kanila sa panganib. Ang pastol din ang siyang magdadala sa mga tupa sa sabsaban, himlayan at batis na pag-iinuman at siya rin ang tumutugtog sa mga ito ng harpa o plawta. Ganun din ang ating obligasyon na tularan si Hesus at ipagsanggalang ang mga kapawa natin kabataan kapag sila ay nahaharap sa mga di magagandang elementong makakasira sa kanilang values at pag-iisip.
Sinsabi rin sa Ebanghelyo na ang sinumang dumaraan kay Hesus na siyang pinto ay pinakikinggan ng mga tupa. Hindi pakikinggan ng mga tupa ang hindi pumasok sa pinto sa pag-aakala nilang hindi sila ang mga tunay na pastol kundi mga tulisan at magnanakaw. Sa ating goal na maparami ang bilang ng youth members ng ating parokya, magiging effective lamang ito kung daraaan tayo kay Hesus. Ang mga ginagawa natin ay di magiging mabisa kapag ang paglilingkod natin ay hindi nakaugat kay Hesus na siyang modelo ng mga mabubuting pastol.
Nawa ay ipanalangin natin na katulad ni Hesus ay magampanan natin ng maayos ang ating mga tungkulin bilang mga youth leaders sa ating parokya at Simbahan.
Ani ni San Pedro: Alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Alagaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa nila kayo. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman. At kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno ng iglesya. Magpa-kumbaba kayong lahat sapagkat nasusulat, "Sinasaway ng Diyos ang mapagmataas, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban." Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo. Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila. Huwag kayong matatakot sa kanya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pag-katapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen. (1 Pedro 5:2-11)
we are all black sheep but thanks be to God, he made us shepherds to minister to other black sheep in God's fold...
ReplyDelete