Monday, May 2, 2011

Ang RH Bill ayon sa Banal na Kasulatan

Ani Hesus: "Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagka't makikita nila ang Diyos (Mateo 5: 8).


Ang pagkakaroon ng malinis na puso.
Ang ibig sabihin ng kalinisan ay paggamit sa ating sekswalidad ayon sa hangarin ng Diyos. Ang may asawa ay dapat magmahal at maging tapat sa kanilang asawa at magkaroon ng anak. Ang walang asawa naman ay dapat umiwas sa anumang gawaing sekswal. Ang kalinisan ay posible sa tulong ng panalangin, pagdisiplina sa sarili, at pag-iwas sa paanyaya ng tukso. Ang taong may malinis na puso ay magiging masaya at pagpapalain ng Diyos. Sinasabi sa Banal na Kasulatan: Mapalad ka na may takot sa Panginoon, na lumalakad sa kanyang daan. Kakainin mo ang bunga ng iyong pinaghirapan, pagpapalain ka at papalarin sa lahat. Mapalad ang iyong maybahay, ang mabungang punong-ubas ng iyong tahanan. Mapalad ang iyong mga anak, mga supling ng olibo sa iyong hapag (Salmo 128: 1-3).


Ang pang-anim na utos ng Diyos.
Waring payak at tahasan ang pang-anim na Utos, "Huwag kayong mangangalunya" (Exo 20: 14; Deut 5: 17). Pinagbabawalan nito ang mga taong may-asawa na makipagtalik sa iba maliban sa kanilang asawa. Nguni't para sa mga sinaunang Israelita, ang kahalagahan ng Utos na ito ay higit na panlipunan kaysa sekswal. Nilalayon nitong pangalagaan ang pamilya, ang pangunahing sangkap ng lipunan. Tuwirang tinitingnan ang pamilya at pag-aasawa sa pananaw ng dalawang kasaysayan ng paglikha sa aklat ng Genesis. Nilikha ng Diyos ang tao na lalaki at babae upang hindi mag-isa ang lalaki (Tingnan Gen 2: 18) at upang magparami at punuin ang daigdig (Tingnan Gen 1: 27-28).

Samakatuwid, ang kasarian ay para sa kaganapang pantao at pagpaparami ng lahi. Kaya, bagama't nakatuon sa tiyak na ugnayan ng pag-aasawa, may kinalaman ang pang-anim na utos sa pinakabalangkas ng pantaong sekswalidad, sa buong larangan ng ugnayang lalaki-babae, at sa ating pangkalahatang tawag sa pagmamahal at pakikipang-isa (Tingnan CCC, 2331).

--o--o--o--o--

Ang wastong paghubog sa konsensiya ay daan upang mapangalagaan ang sambayanan mula sa panganib na dala ng kulturang nagpapahamak sa pamilya at buhay. Kinakailangang ihubog ang ating konsensiya na nakaugat sa kalooban ng Diyos para sa pamilya, buhay at pagiging responsableng magulang, at nang sa gayo'y maisabuhay natin ang ating pananampalataya.

Ang mamamayang sumasampalataya ay taglay nang buong-buo ang mga konseptong may kinalaman sa mga sumusunod:


Masusing pagkakaunawa sa pagtingin ng Diyos sa buhay: “Nilikha niya ang lalaki at babae, sa kanyang larawan nilikha sila” at “lubos siyang nasiyahan.” (Genesis 1:27.31);

Pag-alala na nilikha ng Diyos ang sakramento ng kasal at “dahil dito iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at sasama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay nagiging isa.” (Genesis 2:24) Ito ang niloloob ng Diyos at hindi pinili lamang ng tao upang kanyang baguhin.

Hinggil sa pagiging Responsableng Magulang: Ang malalim na ugnayan ng pagtatalik at biyaya ng buhay ang nagpapahayag na ang mag-asawa ay may bokasyong magbigay buhay at may pananagutang mag-alaga sa kanilang magiging mga anak. Kaya ang pagiging responsableng magulang ay nangangailangan ng pang-unawa sa katawan at prosesong pisikal hinggil sa pagbubuntis, kasama ang kaalaman sa panahon kung kalian maaaring mabuntis ang asawang babae. Katulad ng ibang damdamin (galit, takot, hilig sa pagkain, at iba pa) ang damdaming sekswal ay kinakailangang kontrolado ng pag-iisip at hangarin. Maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga mabubuting katangian at pagiging tapat sa sariling asawa.

Kabilang sa pagiging responsableng magulang ang pagpapasya ng mag-asawa hinggil sa (1) pagpalaki at pag-alaga ng malaking pamilya batay sa kanilang kakayahan, o (2) kaya’y huwag munang mag-anak kung may mga malubhang dahilan (kalusugan, kalagayang ekonimikal, sosyal, sikolohikal at iba pa). (Humanae Vitae 10)

Ang pagiging responsableng magulang ay walang kinalaman sa paggamit ng kontrasepsyon katulad ng mga iminumungkahi ng ibang programa sa kalusugang pangreproduktibo ["R.H. Bill']. Ang pagtatalik ay angkop lamang sa konteksto ng kasal dahil ito ay tapat, permanente, eksklusibo sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at bukas sa pagtanggap sa biyaya ng buhay.

Ang pagiging responsableng magulang ay wala ring kinalaman sa pagpilit sa mag-asawa sa direkta o indirektang paraan, na magkaroon lamang ng isa o dalawang anak. Hindi ito programang kumokontrol sa bilang ng populasyon. Walang karapatan ang pamahalaan o ang Simbahan na magdikta sa mga mag-asawa kung ilan ang bilang ng kanilang mga anak. Ang pagpapasya sa pagkakaroon ng malaki o maliit na pamilya ay tanging nasa mag-asawa lamang.

Pagkakaiba ng paglilikha at pagpaparami. Ang reproduction o pagpaparami ay ang proseso ng pagdagdag sa bilang ng mga bagay na may buhay upang magpatuloy ang pag-iral nito. Nauukol ito sa ibang uri ng buhay at hindi sa buhay ng tao. Ang pagpaparami ng halaman o hayop ay hindi nangangailangan ng malalalim na ugnayan katulad ng sa tao. Sa kabilang banda, ang pro-creation o paglilikha ay ang tamang kataga para sa paglikha ng tao. Tumutukoy ito sa pagmamahalan at pagtatalik ng mag-asawa na bukas sa posibleng paglikha ng Diyos sa isang buhay ng tao. Ang paglilikha ay nangangahulugan ng pakikiisa ng mga magulang sa Diyos bilang mismong bukal ng buhay. Ang mga katangiang ito ng paglilikha ay hindi ito matatagpuan sa pagpaparami ng mga hayop at halaman.

Ang pagtatalik ng mag-asawa ay pangungusap na nagsasaad ng dalawang kahulugan: pagkakaisa (unitive) at paglilikha (procreative). Sa pagtatalik ng mag-asawa, ganap na ipinagkakaloob ng babae at lalaki ang kanilang sarili sa isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang katawan. Sinasabi nila sa isa’t isa, “Ipinagkakaloob ko ang aking buong pagkatao sa iyo, minamahal kita at at tinatanggap ko ang iyong buong pagkatao; tayo ay iisang laman.” Ito ang ibig sabihin ng pagiging isa ng mag-asawa. (Basahin ang Humanae Vitae)

Dagdag pa rito, dahil sa pisikal na kaanyuhan at katangian ng lalaki at babae, possible ang paglilikha ng buhay sa sandaling nagkaroon ng pagtatalik. Sa gayon karugtong sa pagbubuo ng buhay ang pagtatalik ng mag-asawa. Sa ganap na pagtanggap ng mag-asawa sa isa’t isa, sinasabi nilang, “Dahil mahal kita at tinatanggap kita sa iyong kabuuan, pati ang gampanin ng iyong katawan, buo ko ring tinatanggap ang posibilidad ng pagkakaroon ng bunga ang ating pagmamahalan, ang biyaya ng pagkakaroon ng panibagong anak.” Kung sa ganon, hindi mapaghihiwalay ang dalawang kahulugan ng pagkakaisa at paglilikha.


Ang mga aklat na gumagamit ng salitang reproduction (pagpaparami), at hindi procreation (paglilikha), kahit nakalaan para sa mga paaralang Katoliko, ay kailangang suriin kung mayroong pananaw na maka-kontraseptibo. Kinakailangan itong ituwid upang hindi makadagdag sa pananaw na tama ang paggamit ng kontrasepsyon. Malilito ang mga mag-aaral hinggil sa malinaw na turo ng Simbahan tungkol sa halaga ng pamilya at buhay. Maaari ring magdulot ng pagkalito kung ipapantay natin sa turo ng Simbahan ang pananaw ng ilang mga teologo na may taliwas na pag-unawa sa mga pagtuturong ito.

Hango sa mga sumusunod:
Katesismo para sa mga Katolikong Pinoy
KATESISMO ng Kabataang Pilipino, Sons of Holy Mary Immaculate, Quality Catholic Publications

(reposted from www.facebook.com fanpage: I Oppose RH Bill 3 May 2011. Orginally entitled as
CFA = Chastity, Fidelity, Abstinence. This serves as an acknowledgment.)

No comments:

Post a Comment