Sunday, May 1, 2011

Sumainyo ang Kapayapaan!

Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sumainyo ang kapayapaan! sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. Sinabi na naman ni Jesus, Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo. Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad. (John 20:19)




Mapapansin natin na ang mga alagad ay natatakot pa rin sa mga Judio. Maaring sila ay naliligalig sapagkat di nila alam ang kanilang gagawin ngayong wala na si Hesus. Lahat ng kanilang mga itinaya para sa kaniyang pangalan ay nabaliwala. Hindi nila alam kung paano magsisimula muli. Para silang mga tupang nagkawatak-watak nang hulihin ang pastol. Maaring di nila alam kung magkakatipon-tipon pa ba sila o magkakanya-kanya na ngayong wala na ang kanilang Panginoon.

Subalit naroon ang kapayapaang bigay ni Hesus. Nagbigay-linaw ito sa kanilang isipan. Sinasabi sa Ebanghelyo na hindi na sila naguluhan ngayong nakita nilang buhay ang Panginoon at di nila alam kung paano ito nangyari. Bagkus ay naroon ang kagalakan at pag-asa. Hindi na sila takot sa mga Hudyo kundi handa na nilang sundin ang mga yapak ni Hesus sa pagpapahayg ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.

Hindi nagalit si Hesus sa kanyang mga alagad gayong iniwan siya ng mga ito noong bago siya pahirapan at patayin. Pinatawad ni Hesus si Pedro na nagtatwa sa kanya at si Tomas na nag-alinlangan sa kanya. Itinuring kaibigan niya pa rin sila at parang walang nagbago. Ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng kaloob ng Espiritu Santo.

Ang Espiritu Santo ang nagkakaloob sa atin ng biyayang maging katulad ni Kristo na nagpapatawad ng kasalanan at nagkakaloob ng kapayapaan sa iba. Siya ang tumutulong sa atin na maging buhay na larawan ni Hesus sa mundong magulo at walang katiyakan. Siya ang nagpapatatag sa atin sa mga pagkakataong nanghihina tayo at nawawalan ng pag-asa.

Maaring tayo ay katulad ng mga alagad--- takot, walang tiwala sa sarili, nababagot, nalilito, subalit nariyan ang presensiya ni Hesus na dala ang kaloob ng Espiritu Santo na nagbibigay ng kapayapaan, kaliwanagan at kagalakan sa sanlibutan. Maaring katulad tayo ni Tomas--- nawawalan ng pananampalataya, subalit, nariyan ang walang-hanggang awa ng Diyos na pumapawi sa ating kasalanan at nagpapatatag ng ating loob at tiwala sa Diyos.

Ito ang walang hanggang awa ng Diyos na natuklasan ni Sister Faustina Kowalska, isang madreng Polish. Ipinahayag niya na mahal na mahal ng Diyos ang mundo at sa kanyang mga visions ay malugod na inaanyayahan ni Hesus ang lahat na huwag mag-alinlangan at mag-atubiling lumapit sa kanyang awa. Inilalarawan ni Sister Faustina na ang awa ng Diyos ay higit na mas malawak sa karagatan at ang ating mga kasalanan ay para lamang maliit na batong nakalubog doon. Inaanyayahan ni Hesus ang lahat na huwag isiping napakalaki ng ating kasalanan na hindi mapapatawad ng Diyos o wala na tayong pag-asa pang magbago o magbalik-loob. At ni kailanman ay di tayo pinabayaan ng Diyos sa kabila ng ating mga paghihirap at pakikibaka sa buhay. Nariyan ang maawaing Diyos taglay ang pag-asa at kagalakang handog sa lahat ng umaasa sa kanyang walang-hanggang awa.

Ang problema sa atin minsan ay hindi natin nakikita ang kamay ng Diyos na siyang gumagabay sa bawat takbo ng ating buhay. Ang mga problema ay pinahihintulutang mangyari upang makita nawa nating challenge o aral na bigay ng Diyos upang tayo ay maging mas matatag, matuto at mas dumulog sa kanya at hindi sa ating pansariling talino at kakayahan.

Si Hesus na nabuhay na mag-uli ay nagkaloob ng Espiritu Santo at ang kanyang walang-hanggang awa. May isang kasabihan na ang regalo ay hindi magiging regalo kapag hindi tinanggap. Ito ay libreng kaloob ng Diyos kay Kristo. Bakit pa natin ipipinid ang pinto at mga bintana ng ating kasalanan at pagkamakasarili at hindi tanggapin ang mga kaloob niya?


O Hesus, Hari ng Awa kami ay nananalig sa Iyo!




No comments:

Post a Comment