Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo. Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo. Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya. (Juan 14:15-21)
Isa sa mga nakakaantig na mga yugto ng nobela o ng isang pelikula ay ang pag-alis ng isang bida at nanagnagakong babalik sa isang di tiyak na panahon. Karaniwang ito ang climax spagkat dito tayo nagkakaroon ng interes sa takbo ng kuwento. Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, si Hesus ay paalis na sa mundong ito at babalik na sa Ama. Hindi natin alam kung kailan siya babalik. Ngunit walang nakakaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o maging ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. (Mateo 24:36)
Di natin alam ang pagdating ni Hesus. Subali't hindi niya tayo iniwan. Iniwan niya sa atin ang Espiritu Santo na siyang magpapaalala ng kanyang mga turo at siyang magpapanatili sa ating relasyon sa kanya. Tinatawag siyang Tagapagtanggol o Paraclete. Ibig sabihin, sa mundong ito na laganap ang kasamaan, siya ang magsasanggalang sa atin at magpapanatili ng kabutihang ibinigay sa atin ng Diyos.
Ang Espiritu Santo ay mananahan lamang sa mga taong umiibig sa kanya. At ang totoong umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad sa turo ni Hesus. Isa tayong sinungaling kung sinasabi nating mahal ang Diyos subalit hindi tayo tumutupad sa kautusan ng kanyang Anak. Ang iba sa atin ay namimili lamang ng dapat sundin. Na para bang ang Kristiyanismo ay isang canteen na kung saan pipiliin lamang natin ang mga aral ni Hesus na convenient para sa atin at gusto natin.
Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. (Juan 14:17) Kung minsan ang kautusan ng Diyos ay labag sa kautusan at kagustuhan ng tao. Iba ang kagustuhan ng Espiritu Santo sa takbo ng isip ng mundong ito. Halimbawa ay ang Reproductive Health Bill na isinusulong ngayon sa Kongreso. Maraming mga taong kumikilalang sila'y mga Katoliko at Kristiyano na siyang sumusuporta dito dahil ayon sa kanila ay pabor sa mga kababaihan at mahihirap. Isinasantabi nila ang kautusan ng Diyos tungkol sa buhay at kabanalan ng sekswalidad. Para sa kanila the end justifies the means. Itinuturing nilang mabuti ang isang lauyunin kahit mali ang pamamaraan. Tama ba na magkaroon ng universal access sa kontraseptibo ang lahat? Ang kontraseptibo ay labag sa kabanalan ng seks na para sa maayos na ugnayan ng mag-asawa at pagbuo ng tao. At makakadulot pa ito ng irresponsableng pakikipagtalik sa ating kapwa kabataan. Hindi masamang magbigay ng mungkahing makaaahon sa kahirapan subalit dapat ang pamamaraan ay hindi labag sa batas ng Diyos at kalikasan.
Ang Espiritu Santo ang siyang nagbibigay sa atin ng kaliwanagan kung ano ang dapat nating gawin. Siya ang nagbibigay ng karunungan sa mga taong simple at mapagpakumbaba. Siya ang lakas upang magawa natin ang mga ito sa kabila ng ating mga kasalanan at kahinaan. Siya ang nagpapalala sa atin ng ituon ang ating mga paa sa matuwid na landas sa tuwing nakakalimot tayo. Subalit ang kanyang mga kaloob ay matatanggap lang natin kung tayo ay tunay na umiibig sa Diyos. Ito ang nakasulat sa last will and testament ni Hesus na mababasa natin sa Ebanghelyo natin ngayon: sa mga tunay na umiibig sa kanya ibibigay ang Espiritu Santo.
Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. (Mateo 14:15) Kung kaya't dapat na tayo ay mag-aral muna ng kanyang mga salita. Paano natin malalaman ang kanyang mga ipinag-uutos kung hindi natin ito alam? Maglaan tayo ng ilang oras bawat araw na magbasa ng salita ng Diyos at dumalo sa mga Bible conferences and seminars na libreng ipinagkakaloob sa ating parokya. At isabuhay natin kung ano ang ating napag-aralan.
Kung gayon, malaya nating matatanggap ang Espiritu Santo--- ang pamana ni Hesus, ang buhay na presensiya niya sa atin!
No comments:
Post a Comment